MALABON CITY — Sa simpleng paraan ng pamamahagi ng pagkain, muling ipinakita ng Alpha Phi Omega (APO) ang kanilang malasakit at serbisyo para sa komunidad.
Kasabay ng Bible Study sa Philippines Evangel Christian Church sa Acero St., Tugatog, Malabon City nitong Agosto 31, pinasaya ng APO ang mga kabataan sa pamamagitan ng isang munting feeding program na may temang “Happy Tummies, Happy Hearts.”
Sa aktibidad, nagsalu-salo ang mga bata at masayang tumanggap ng pagkain mula sa mga kasapi ng APO. Layunin ng proyekto na hindi lamang mapawi ang gutom kundi mag-iwan din ng inspirasyon at alaala ng pagtutulungan.
Ayon kay Pamela Gervasio ng APO, ang simpleng inisyatiba ay patunay na kahit maliit na hakbang, malaki ang naidudulot na saya at pag-asa para sa kabataan.
“Simpleng gawain ng Alpha Phi Omega ngunit nagdadala ng malaking ngiti at inspirasyon sa kanilang murang isipan,” pahayag ni Gervasio.
