TERESA, RIZAL – Nababalot ng pangamba ang mga residente ng Sitio Gulod Bayabas at Sitio Bulak, Barangay Bagumbayan matapos ireklamo ang umano’y iligal na quarry operation sa kanilang lugar na nagdudulot ng putik, pinsala sa kalsada, at banta ng pagbaha at landslide.
Ayon kay Renato Tisoy, sitio chairman ng Gulod Bayabas, dalawang linggo na ang nakalipas nang magpadala sila ng petisyon kay Mayor Rodel Dela Cruz, ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na sagot mula sa alkalde.
“Kami na nakalagda ay nagrereklamo laban sa mga nagku-quarry sa bundok na pag-aari ng may-ari ng Petron sa pangunguna ni Rodel de Borja dahil sa dulot nilang pinsala sa kalsada,” nakasaad sa naturang liham na pirmado ng mahigit 60 residente.
Giit nila, hindi na madaanan ang pangunahing kalsada sa lugar dahil sa makapal na putik na dala ng backhoe at malalaking trak mula sa operasyon. Nagiging madulas umano ang daan, na nagdudulot ng peligro sa mga residente at motorista.

Bukod dito, tuwing umuulan ay nabubuo ang imbakan ng tubig sa paligid ng quarry site na posibleng magresulta sa flash flood at landslide. Sa ngayon, sako-sakong lupa lamang ang inilalagay ng operator bilang harang, na ayon sa mga residente ay hindi sapat para pigilan ang sakuna.
Ikinagulat din ng mga residente na “development permit” lang ang hawak ng operasyon ngunit malinaw na quarry-style excavation na umano ang nangyayari. Mistula na raw bangin ang itsura ng bundok at animo’y bomba na anumang oras ay puwedeng sumabog at magdulot ng malaking pinsala.
“Sana po matugunan ninyo agad at pansamantalang ipasara ang nasabing operasyon dahil sa pinsala nito sa aming komunidad,” panawagan ng mga residente kay Mayor Dela Cruz.
Samantala, sinisikap ng mga kasapi ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps na makuha ang panig ng alkalde ukol sa reklamo. (ARNOLD PAJARON JR)
