Naniniwala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na dapat isama mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ipinag-utos nitong lifestyle check sa gitna ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.
“Magandang hakbang ito para ipakita ang good faith sa publiko lalo na sa bigat ng isyu ng korapsyon ngayon. Pero mas lalong mabigat ang dating kung ang Pangulo mismo ang maunang maglabas ng kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth),” ani Hontiveros.
Dagdag pa ng senadora, hindi sapat ang lifestyle check lamang kung walang kasamang “negative reinforcement,” gaya ng katiyakan na may mahuhuli, makakasuhan, at mapaparusahan kung mapapatunayang nagkasala.
Handa rin umano siyang sumailalim sa lifestyle check para ipakita ang kanyang “middle-class lifestyle” at bukas siyang gawin ito kasama ang buong minorya sa Senado.
Giit ni Hontiveros, hindi dapat maging mahirap ang pagkuha ng SALN dahil ito’y isang pampublikong dokumento at nakapaloob sa prinsipyo ng freedom of information.
