Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga residente, youth groups, at environmental advocates ang “Walang Plastikan 2025,” na naglalayong bawasan ang paggamit ng single-use plastics na ginanap sa Navotas Convention Center, sa pakikipagtulungan sa EcoWaste Coalition and Smöl Productions. (JUVY LUCERO)
ISINAGAWA ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas noong Sabado, kasama ang mga residente, youth groups, at environmental advocates ang “Walang Plastikan 2025,” na naglalayong bawasan ang paggamit ng single-use plastics.
Ang programa ay ginanap sa Navotas Convention Center na inorganisa sa pakikipagtulungan sa EcoWaste Coalition and Smöl Productions.
Itinampok dito ang advocacy booths, at isang konsirto kasama ang mga performer tulad ng Kiyo, Autotelic, Shortone, Space Moses, Sica, Supafly, Deny, Gat Putch, Much Love, Colt, at Omar Baliw.
Sa kanyang talumpati, ipinaalala ni Mayor John Rey Tiangco sa mga residente ang epekto ng plastic waste sa coastal ecosystem ng lungsod.
“Ang Walang Plastikan ay hindi lang concert o fair. Ito ay hamon para sa ating lahat. Mahirap maging plastic-free at zero waste. Pero unti-unti, kaya natin,” ani Tiangco.
Itinuro niya ang ilang mga hakbangin, kabilang ang 14 Juana Zero Waste Stores, na nag-aalok ng mga refill stations para sa mga mahahalagang bagay tulad ng vinegar, soy sauce, salt, at bigas. Sa pamamagitan ng paghikayat na magdala ng kanilang sariling magagamit na mga lalagyan, ang mga tindahan ay gumagawa ng mga prudukto na mas mura habang binabawasan ang basura.
Ang lungsod ay nagpapatupad din ng ordinansang ‘No Plastic Friday’ na nagbabawal sa paggamit ng mga plastic bags sa mga negosyo tuwing Biyernes.
“Bilang isang fishing community, mahalaga sa atin ang kalusugan ng ating karagatan. Ang plastik ay nagiging microplastics na napupunta sa dagat, kinakain ng isda, at sa huli, tayo at ang pamilya natin ang kumakain nito,” sabi ni Tiangco.
Hinimok din ng alkalde ang mga residente na gumawa ng maliliit na pagsasaayos sa pamumuhay, tulad ng pagdadala ng mga eco-bags, paggamit ng mga refillable bottle, at waste segregation para makatulong na mabawasan ang plastic pollution.
“Ang ating panata: Iwasan ang plastic, alagaan ang dagat, at proteksyunan ang susunod na mga henerasyon. Sama-sama tayong magsasabing, Walang Plastikan,” pahayag niya. (JUVY LUCERO)
