Larawan mula kay Pangulong Bongbong Marcos Jr/FB
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo ang pagbabalik ng patakaran kung saan kinakailangan munang kumuha ng approval mula sa local government units (LGUs) bago ipatupad ang mga proyekto ng national government agencies, partikular ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kasabay ng pahayag, personal na nagsagawa si Marcos ng inspeksyon sa isang rock netting project sa Tuba, Benguet. Ang proyekto, na may kontratang P114.18 milyon sa 3K Rock Engineering, ay naglalayong maglagay ng 3,479-square meter na active mesh system sa Kennon Road, Purok Maramal, Sitio Camp 5, Barangay Camp 4, upang patatagin ang rock formations at mabawasan ang panganib ng landslide. Nagsimula ang konstruksyon noong Abril 24, 2018 at natapos noong Hunyo 15, 2019.
Ayon sa Pangulo, maraming problema ang proyekto, kabilang ang overpricing:
“Alam ko ang supplier ng rock netting. Ang presyo ay P3,200 kada metro kwadrado, pero siningil sa gobyerno nang higit P12,000.”
Binanggit din ni Marcos na bypass ng DPWH ang LGUs, at walang ginawang pampublikong konsultasyon o hearings bago ipatupad ang proyekto. Giit niya, ang lokal na pamahalaan ang pinakamainam na tagasuri ng proyekto dahil direktang apektado ang komunidad.
“Sa karanasan ko bilang gobernador ng Ilocos Norte, tinitingnan namin at sinusuri ang mga proyekto araw-araw. Hindi minsanan lang,” paliwanag ni Marcos.
Nagpahayag din ng reklamo si Baguio City Mayor Benjamin Magalong tungkol sa iba pang problematic na rock netting projects sa Cordillera Administrative Region (CAR) at umano’y overpricing ng solar lights, roller barriers, at reflective safety devices.
Kasabay nito, nirebyu ng Pangulo ang P264-milyong rock shed project sa Purok Millsite Sitio Camp 6, Barangay Camp 4, Kennon Road, na natapos noong Abril 13, 2025. Ngunit inilarawan ni Marcos ang proyekto bilang “sloppily made” matapos bumigay ang pundasyon dahil sa soil scouring at ulan ng monsoon, na nagdulot ng pagbagsak ng boulders at pagkasira ng kalsada.
“Problema dito: P260 milyon na proyekto, parang itinapon lang sa ilog. Wala nang silbi,” ani Marcos.
Sa kanyang direktiba, ipagpapatuloy ang pagbabalik ng Standard Operating Procedure (SOP) na dapat ay kinukumpirma muna ng LGUs ang proyekto bago ito ipatupad ng national agencies, upang masigurong epektibo at kapaki-pakinabang ang paggastos ng pondo ng gobyerno.
