Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) noong Huwebes na ang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na nakatakda sa Oktubre 13 ay tuloy, sa kabila ng ilang usaping pang-rehiyon na maaaring makaapekto sa schedule.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ang pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay mangangailangan ng batas mula sa Kongreso.
“Sa mga mamamayan ng Bangsamoro, tuloy ang eleksyon. Wala pa kaming naririnig na panukalang batas na magpapaliban ng BPE. Ang mga isyung nabanggit ay hindi sapat para ipagpaliban ang eleksyon,” ani Garcia.
Isa sa mga developments sa rehiyon ay ang pagpasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament Bill 351 sa third at final reading, na nag-redistribute ng pitong parliamentary district seats na orihinal na nakalaan sa Sulu. Ayon sa Comelec, maaaring kailanganin ang reconfiguration ng automated election system (AES), ngunit may sapat na oras upang maayos ang paghahanda.
“May flexible schedule kami at may leeway sa mga dates para maayos ang lahat ng timelines bago ang eleksyon,” dagdag pa ni Garcia.
Inihanda rin ng Comelec ang opsyon na “None of the Above” (NOTA) sa BPE ballots, alinsunod sa Bangsamoro Electoral Code. Hihingi muna ng mga rekomendasyon mula sa stakeholders bago pormal na ilabas ang resolusyon kung paano ito ipapatupad.
Ayon sa Article VII, Chapter 1, Section 14 ng Bangsamoro Electoral Code, dapat kasama sa balota ang pangalan at larawan/logo ng kandidato, pati ang NOTA option “as far as practicable.”
Sa kabila ng ilang pagbabago at hamon, tiniyak ng Comelec na handa na ang lahat para sa halalan sa Oktubre at walang legal na batayan upang ipagpaliban ito.
