Winasak ng Bureau of Customs (BOC) ang limang container ng smuggled agricultural products sa pamamagitan ng tamang pamamaraan ng dumping sa Subic noong Agosto 15.
Ayon sa BOC, ang mga nasabing kargamento ay naglalaman ng assorted frozen meat, isda, preserved fruits, gulay, at iba pang perishable items na walang phytosanitary certificate, na labag sa Department of Agriculture administrative order at umiiral na regulasyon sa ilalim ng Section 1113(f) ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“Sa pamamagitan ng condemnation ng mga illegal imports na ito, muling ipinapakita ng bureau ang aming pangako na protektahan ang kalusugan at seguridad ng mga Pilipino. Ang smuggled agricultural products ay seryosong banta sa kalusugan, at patuloy kaming kikilos laban sa ganitong panganib,” ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ayon sa Customs Memorandum Order 24-2021, sinisiguro ng condemnation na ang mga produkto na delikado o hindi angkop sa pagkain ay maayos na maitatapon.
Dinagdag pa sa pahayag, “Tinitiyak ng hakbang na ito ang kaligtasan ng mga konsyumer mula sa panganib ng unsafe, unregulated, at illegal na imported food products.”
Ipinunto naman ni District Collector Noel Estanislao na ang hakbang na ito ay malinaw na babala sa mga smugglers: hindi ikokompromiso ang pampublikong kalusugan at seguridad.
“Patuloy ang BOC sa mahigpit na pagpapatupad ng customs laws upang masiguro ang ligtas na pamilihan at pigilan ang illegal trade na naglalagay sa panganib sa kalusugan ng mamamayan,” dagdag niya. (ARSENIO TAN)
