Nanawagan si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III kay Senate President Francis Escudero na ipatupad ang mandatory random drug testing para sa lahat ng opisyal at empleyado ng Senado kasunod ng ulat ng umano’y paggamit ng marijuana sa loob ng institusyon.
Sa kanyang liham na may petsang Agosto 17, 2025, iginiit ni Sotto na may umiiral nang polisiya na nagpapahintulot sa ganitong pagsusuri at naipatupad na rin ito noong 2018. Aniya, mahalaga ang drug testing upang masiguro ang “morale, efficiency, integrity, responsiveness, progressiveness, and courtesy” sa civil service.
Kumpirmado namang natanggap ni Escudero ang liham ni Sotto. Matatandaang nag-utos na rin siya ng imbestigasyon kaugnay ng alegasyong paggamit ng marijuana ng isang staff ni Senador Robin Padilla, na kinilalang si dating aktres Nadia Montenegro.
Ayon sa ulat ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms, itinanggi ni Montenegro na nanigarilyo siya sa loob ng ladies’ room o gumamit ng marijuana, ngunit umamin na may dala siyang vape device sa kanyang bag.
Si Montenegro ay pansamantalang pina-leave habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
