Photo courtesy OneSports
Isang buwan na lang bago magsimula ang FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025, at ramdam na ramdam ang excitement sa bansa matapos ang rally ng top sports officials sa Mall of Asia Arena Music Hall nitong Agosto 13.
Pinangunahan ni Ramon “Tats” Suzara, executive vice president ng FIVB, ang event kasama sina POC President Abraham “Bambol” Tolentino at PSC Chairman Patrick “Pato” Gregorio, na pinuri ang lahat ng partners, embahada, volunteers at fans sa kanilang pagtutulungan upang maisaayos ang torneo.
Nagpahayag naman si Senator Alan Peter Cayetano, co-chairman ng Local Organizing Committee, ng panawagan sa publiko na makilahok bilang volunteers at tagahanga. Kasabay nito, pinalakas ng mga opisyal ang battle cry na “Set Na Natin ’To”, bilang simbolo ng pagkakaisa, paniniwala at kahandaan ng bansa para sa 32-team tournament mula Setyembre 12–28 sa Smart Araneta Coliseum at MOA Arena.
“Volleyball fans, we are very grateful. We’ve poured everything into this… at inaasahan naming makikita kayo sa mga laro,” ani Suzara. Idinagdag pa niya, “The world’s big four will be here… Our Alas Pilipinas is grinding it out to be worthy to take this floor. Join us for 17 days of top-level volleyball.”
Pinangunahan naman ni Eya Laure ng Alas Pilipinas Women ang oath-taking ng volunteers, kasama sina Jia de Guzman, Justine Jazareno, Dell Palomata at iba pang miyembro ng team na nagpasigla sa mga fans.
Hundreds of fans ang nakilahok sa iba’t ibang aktibidad ng national teams at event benefactors, kasama ang embahada ng 31 bansa na kalahok sa world championship. Ipinakilala rin ang mga event mascots Koolog, Hataw at Kidlat habang ipinapakita ang official FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Pinuri ni PSC Chairman Gregorio ang turnout at nagbigay ng inspirasyon sa lahat: “We have to do this so well, telling the world that this is the Philippines… Pagbutihan po natin, magsama-sama po tayo, magtulong-tulong po tayo because ‘Set na natin ’to.’”
Ayon kay Tolentino, mahirap ang proseso ng pag-host ng ganitong kalaking event kumpara sa regional tournaments: “We’re very excited for this event. Magsama-sama po tayo for this event.”
Sa pagbubukas ng tournament, haharapin ng Philippine Men’s National Volleyball team ang world No. 41 Tunisia sa MOA Arena, at susunod na laban ang No. 23 Egypt sa Setyembre 16 bago tapusin ang Pool A play laban sa No. 13 Iran sa Setyembre 18.
“Gusto natin maging powerhouse ang Pilipinas sa sports tourism. Pagkatapos ng SEA Games, FIBA Basketball World Cup, at ngayon, FIVB Men’s World Championship,” ani Cayetano. (RON TOLENTINO)
