Ipinakita ng Bureau of Immigration (BI) ang matibay nitong paninindigan sa pangangalaga sa mga batang nasa panganib matapos itong lumahok sa pambansang paglulunsad ng revised protocol para sa case management ng child victims of abuse, neglect, exploitation, and discrimination (CANE+D) nitong Agosto 14 sa Department of Justice (DOJ) sa Maynila.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang Committee for the Special Protection of Children (CSPC) sa pag-update at pagpapalakas ng naturang gabay, na magsisilbing komprehensibong manual para sa mga ahensya ng gobyerno at iba pang sektor sa paghawak ng sensitibong kaso ng mga batang biktima.
“Ang tungkulin nating lahat ay tiyakin na bawat bata, lalo na ang mga nasa mahina at delikadong kalagayan, ay mabibigyan ng karampatang pangangalaga, dignidad, at proteksyon,” pahayag ni Viado.
Dumalo sa okasyon si Deputy Commissioner Atty. Joel Alejandro Nacnac bilang kinatawan ng BI, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan na nagpahayag ng suporta sa bagong resolusyon.
Ayon sa BI, ang binagong protocol ay nagtatakda ng malinaw na tungkulin at responsibilidad ng iba’t ibang ahensya sa paghawak ng mga kasong kinasasangkutan ng pang-aabuso sa bata, kung saan pangunahing konsiderasyon ang kapakanan at kaligtasan ng mga menor de edad.
Binigyang-diin ni Viado ang kahalagahan ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, social services, hudikatura, at komunidad para labanan ang pang-aabuso, pagpapabaya, at pananamantala sa kabataan.
Ang CSPC, na pinamumunuan ng DOJ at co-chaired ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay bumuo ng revised protocol sa pamamagitan ng masusing konsultasyon sa iba’t ibang sektor, kalakip ang mga bagong batas, makabagong teknolohiya, at updated best practices para manatiling epektibo, mabilis, at sensitibo sa pangangailangan ng bata ang mga interbensyon.
Bahagi ng mandato ng BI ang pagpigil sa cross-border trafficking at pananamantala sa mga bata.
Sinabi ng ahensya na ang kanilang frontline officers ay sanay sa pagtukoy ng posibleng kaso ng human trafficking at child exploitation sa mga paliparan at pantalan, at patuloy na makikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya para sa epektibong case management.
