Kritikal ang kondisyon ng isang punong guro matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Cotabato, Martes ng umaga, Agosto 12 — pinakabagong biktima sa serye ng marahas na pag-atake laban sa mga guro at estudyante sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Soccsksargen mula pa noong 2023.
Kinilala ang biktima na si Arlyn Dofredo Alcebar, principal ng isang elementarya sa Brgy. Agriculture, Midsayap.
Ayon sa pulisya, minamaneho ni Alcebar ang kanyang SUV dakong alas-7 ng umaga nang harangin ng dalawang armadong suspek sakay ng motorsiklo at paulanan ng bala gamit ang cal. 45 pistol.
Tinamaan ng maraming beses si Alcebar at agad isinugod sa Dr. Amado B. Diaz Provincial Foundation Hospital. Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala at isang slug.
Patuloy ang imbestigasyon habang sinusuri ang CCTV para matukoy ang mga salarin. Pinalakas na rin ang checkpoints sa tulong ng 34th Infantry Battalion.
Ang pamamaril kay Alcebar ay kasunod ng pagpatay kay Danilo Barba, 34-anyos na guro sa Lanao del Sur noong Agosto 4. Binaril si Barba ng isang 20-anyos na Grade 11 student matapos umano itong bumagsak sa isang asignatura. Inamin ng suspek ang krimen at pansamantalang isinara ang paaralan.
Mula 2024, sunod-sunod nang biktima ang mga guro sa rehiyon
- Enero 22, 2024 – Si Mamadatu Dalandas, headteacher ng Datu Tecson Elementary School, pinagbabaril habang sakay ng motor sa Mamasapano, Maguindanao del Sur.
- Agosto 20, 2024 – Si Aurora Bayog Lida (acting principal) at teacher na si Maria Corazon Tagacay, tinambangan sa Kapinpilan, BARMM-SGA; sugatan si Lida.
- Disyembre 19, 2024 – Si Yasser Mama Abdullah, teacher at barangay treasurer, pinaslang sa labas ng Noorul Eilm Academy Foundation sa Pikit, Cotabato.
- Hunyo 10, 2025 – Si Dr. Alamansa Ambiton, principal at district supervisor, tinambangan sa Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Naiulat din na dalawang mag-aaral naman ang naitalang napatay noong 2023:
- Pebrero 2023 – Isang Grade 7 student, patay, at dalawa pang kaklase sugatan sa pamamaril sa Pikit, Cotabato.
- Dalawang araw makalipas – Isang Grade 9 student, binaril at napatay sa parehong bayan.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC), nakababahala ang mga insidenteng ito dahil kung mismong mga guro ay target, mas lalong nagiging delikado ang mga paaralan para sa mga bata.
Patuloy ang panawagan ng mga opisyal ng edukasyon para sa mas mahigpit na seguridad, habang nananatiling palaisipan ang motibo sa karamihan ng mga pag-atake.
