Kung totoo man ang sinasabi sa social media, aba’y dapat may libreng souvenir mug at t-shirt na rin ang Guinness para sa mga naniniwala.
Pero malinaw — wala pong Guinness World Record si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang “most famous and most loved detainee in world history.”
Kaya ang tanong: bakit may mga patuloy na nagpapakalat nito? Simple — propaganda at pampalakas-loob sa mga tagasuporta.
Sa halip na harapin ang katotohanan na siya’y nakakulong sa ICC at may mabibigat na kaso, ginagawang “parang achievement” ang sitwasyon. Parang sinasabi, “Uy, world-class tayo, may record na tayo!” kahit walang basehan.
Nakakahiya at nakakaawa. Kasi sa panahon na dapat mas maging mapanuri tayo sa impormasyon, marami pa ring kumakapit sa fake news para may ilusyon ng panalo. Ang masama pa, ginagamit itong pantakip sa seryosong isyung hinaharap ni Duterte: ang libu-libong patayan sa giyera kontra droga na iniimbestigahan ngayon ng ICC.
Ang Guinness, malinaw ang patakaran — measurable, verifiable, at may konkretong ebidensya.
Ang “pinakamamahal na detainee” ay malinaw na hindi kabilang. So kung may record man dito, ito’y sa Pinakamaraming Pekeng Balitang Kumalat sa Social Media sa Pinakamaikling Panahon — at ‘yan, baka pwedeng i-nominate.
Sa huli, dapat tigilan na ang pagpapakalat ng ganitong pantasya. Hindi nito tinutulungan ang bayan, hindi nito nililinis ang pangalan ng kahit sino — at lalo lang nitong inilulubog sa kahihiyan ang ating reputasyon sa mundo.
