
ARESTADO ang isang tricycle driver na most wanted sa kasong murder sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni ng Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio hinggil sa pinagtataguan lugar sa Caloocan ni alyas “Ronnel”, 38, na nakatala bilang Top 1 sa Ten Most Wanted Person sa Valenzuela City Police.
Agad bumuo ng team si P/Lt. Col. Cielo Caligtan, OIC Force Commander ng Intelligence Section ng NPD District Mobile Force Battalion (DMFB) saka ikinasa ang pagtugis sa akusado.
Dakong alas-10:55 ng umaga nang tuluyang masukol ng mga tauhan ni Lt. Col. Caligtan ang akusado sa kanyang tinutuyang lugar sa Libis Talisay, Caloocan City.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrang of arrest na inisyu ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 269, noong May 29, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa NPD Custodial Facility Unit habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.
Pinuri naman ni Gen. Protacio ang walang humpay na pagsisikap ng arresting team. “This arrest reflects our unwavering commitment to public safety. Our police personnel remain focused and relentless in protecting our communities from all forms of criminality,” pahayag niya.
