Dinoble ni Navotas Representative Toby Tiangco ang kanyang hamon sa House Committee on Appropriations na ganap na isiwalat ang lahat ng amendments na ginawa ng small committee sa 2025 national budget na tinawag niyang mahalagang unang hakbang tungo sa tunay na reporma sa badget
Binigyang-diin niya na bago talakayin ang 2026 budget, kailangan munang maging malinis ang Kongreso kung paano binago ang 2025 budget.
“Sa lahat ng bagay, bago ka humingi ng bagong budget, dapat ipakita mo muna ‘yong paggastos sa nakaraang budget. Bago pag-usapan ang 2026 budget, dapat lang na ipakita muna ang 2025 small committee amendments,” ani Tiangco.
Idinagdag niya na kapag nabuo na ng appropriations panel ang tinatawag nitong “sub-committee on budget amendments review,” ang pangunahin at hindi mapag-usapan na priyoridad nito ay dapat na imbestigahan at ilantad ang mga insertion na ginawa ng 2025 small committee.
“Kung seryoso kayo and to show good faith, ang first step is ilabas nila ang amendments ng small committee noong 2025 budget. Kung ayaw nila ilabas ’yan, lokohan lang ito,” sabi niya sa interview sa Headstart with Karen Davila.
Sinabi ni Tiangco na hindi dapat palagpasin ng Kongreso ang kontrobersiya na pumapalibot sa 2025 budget, at sa halip ay panagutin ang mga miyembro ng small committee sa mga pagbabagong ginawa nila.
“Non-negotiable yan. Kung gusto namin ipakita na transparent kami, ipakita nila ‘yong amendments ng small committee sa 2025 budget,” aniya.
Hindi ko papakawalan ang 2025 small committee. We have to be accountable. Pera ng taumbayan yan. Hindi pupwedeng kalimutan na lang natin yan,” dagdag niya.
Hinamon ni Tiangco si Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na namuno sa House Committee on Appropriations na gumawa ng 2025 General Appropriations Act (GAA), na ipaliwanag at ilabas ang mga pagbabagong ginawa ng small committee.
“Congressman Zaldy Co should show [the amendments]. Siya ang chairperson noon. Alangan namang hindi niya alam. Kung hindi niya alam, sino ang gumawa noon? Ipakita niya,” sabi ni Tiangco.
“The leadership of the House should demand it from him. Otherwise, we are only covering up each other. If the leadership of the House will not demand it from Congressman Zaldy Co, that means we are just trying to cover up,” dagdag pa niya.
Ipinunto din ni Tiangco na ang small committee ang unang pagkakataon para sa mga mambabatas na magsingit ng mga amendment sa budget.
“Nagcoconcentrate ang iba sa bicam pero ang bicam sa huli na yan. Ang unang opportunity na magkaroon ng insertions o amendment is the small committee,” pahayag niya.
“Saan ba ang tyansa ng House na mag-amend? Sa small committee. Tapos pag inaprubahan ng House, magkaiba ang version ng House. Magkaiba ang version ng Senate. Doon (sa Bicam) ulit ‘yong amendments. So, dalawa ang pagkakataon na mag-amend. Doon sa bicam, ang problema hindi naisapubliko pero may pinirmahan sila. Pero ang small committee, ni wala ngang report,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Tiangco na sa panahon ng budget deliberations, binibigyan ng House Majority ang maliit na komite ng kapangyarihan na tanggapin at magdesisyon sa mga indibidwal na pag-amyenda sa budget pagkatapos nitong aprubahan sa ikalawang pagbasa.
“Halimbawa, inapprove namin ang version na ito [ng budget], pero binigyan naman namin ng kapangyarihan ang small committee na baguhin kung anuman ang inapprove namin at iyon na ang magiging final version. Pagbalik namin, makukuha namin ang libro at kung ano ang ginawa ng small committee, ‘yon na ‘yon. Paano ka pa aangal? Sa third reading, yes or no na lang ‘yon, wala ng amendments,” aniya.
Kinuwestiyon din ni Tiangco kung paano nakabuo ang maliit na komite ng napakalaking karagdagang alokasyon para sa dalawang distritong kongreso sa 2025 budget.
Sa pagbanggit sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ibinunyag niya na ang isang distrito ay inilaan ng ₱20.999 bilyon noong 2025 GAA—₱18.469 bilyon na higit pa sa orihinal nitong ₱2.53 bilyon noong 2025 National Expenditure Program (NEP).
Aniya, ang isa pang distrito ay nakatanggap ng ₱20.795 bilyon sa GAA—₱19.286 bilyon na higit pa sa paunang ₱1.508 bilyon nito sa NEP.
Tumanggi siyang pangalanan ang mga distrito, na posibleng hindi aniya alam ng kani-kanilang mga kinatawan ng distrito ang mga pagbabago.
“To be fair to the district congressmen, pwedeng nangyari ‘yan na hindi nila alam kasi lumabas na lang ‘yan e. Pero hindi puwedeng nangyari ‘yan na hindi alam ng chairman ng committee on appropriations,” aniya.
Binanggit din ni Tiangco na noong Hulyo 29, humigit-kumulang ₱84 bilyon sa pambansang badyet ang pinigil ni Pangulong Marcos, Jr. dahil sa mga kuwestiyonableng insertions.
“Alam ko na galit sya [President Marcos] kasi hindi niya pinaparelease ‘yang mga ‘yan,” sabi niya.
“Ang nakakapagtaka doon, congressman ka di ba? Hihingi ka ng project, dadalhin mo sa distrito mo. ‘Yong iba, hiningi ng isang congressman, dinala niya sa ibang distrito. So, how do you explain that? Kaya ang karamihan ng naka-hold doon, ‘yong iba ‘yong proponent sa distritong pupuntahan,” dagdag niya.
