Patay ang isang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at isang hinihinalang gun-for-hire matapos ang isang madugong engkuwentro sa San Jose, Dinagat Islands nitong Huwebes ng madaling-araw, ayon sa ulat ng pulisya.
Sa ulat ng Dinagat Islands Police Provincial Office (DIPPO), nagsagawa ng surveillance sina Patrolman Ferry Sida Jaso at Patrolman Leonel Estroso laban sa suspek na si Abner Casador, na umano’y nagpapaputok ng baril sa Purok 4, Barangay Sta. Cruz.
Bandang 3:40 a.m., napansin umano ng suspek ang presensya ng mga pulis at agad na bumunot ng .45-caliber na baril at pinaputukan si Jaso, na tinamaan sa ulo at agad na nasawi.
Agad namang rumesbak si Estroso at nakipagbunuan sa suspek matapos nitong agawin ang baril ni Jaso. Nagawang maputukan ni Estroso ang suspek ng ilang beses, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Narekober ng mga imbestigador mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang .45-caliber na baril na may apat na bala at isang 9mm pistol na fully loaded mula sa suspek.
Dinala sa isang punerarya ang bangkay ng dalawang nasawi para sa postmortem examination.
Nagpaabot ng pakikiramay si DIPPO chief Col. Jerome Dela Cruz sa pamilya ng mga nasawi at tiniyak sa publiko na isa itong “isolated case.”
“Ginagawa po namin ang lahat upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan dito sa Dinagat Islands,” ani Dela Cruz sa kanyang pahayag.
