Isang pamilya ang sugatan matapos silang pagtatagain ng kanilang kapitbahay gamit ang bolo sa gitna ng matagal nang alitan.
Batay sa imbestigasyon, nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima nang bigla silang makarinig ng mga batong ibinabato sa bubong. Nang lumabas ang padre de pamilya para tingnan kung ano ang nangyayari, agad siyang tinaga sa tiyan ng suspek gamit ang bolo.
Sumaklolo ang kanyang misis at dalawang anak, ngunit sila rin ay inatake at nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isa sa mga biktima ay 16 taong gulang lamang.
Dinala rin sa ospital ang suspek matapos masaktan sa kaguluhan. Narekober ng mga awtoridad ang ginamit na bolo.
Ayon sa pamilya, pursigido silang magsampa ng kaso laban sa suspek. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.
