
Hindi pinalampas ng Land Transportation Office (LTO) Calabarzon ang mga kolorum na school service matapos mahuli ang 66 ilegal na sasakyan na ginagamit sa paghahatid ng mga estudyante mula Hunyo hanggang Hulyo 2025.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng LTO, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince B. Dizon, para maiwasan ang mga malalagim na aksidente sa kalsada at masigurong ligtas ang publiko, lalo na ang mga kabataang mag-aaral.
Sa pamumuno ni Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II at LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, isinagawa ang mga operasyon sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba pang law enforcement agencies.
Ayon kay RD Decena, “Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay hindi natin dapat isinasantabi. Hindi tayo titigil hangga’t hindi naaalis ang mga kolorum na sasakyang patuloy na lumalabag sa batas at naglalagay sa alanganin ng buhay ng ating mga kababayan.”
Ang mga kolorum na nahuli ay walang kaukulang permit at lisensya para mag-operate bilang school service, at itinuturing na banta sa kaligtasan ng mga pasahero.
Hinimok ng LTO Calabarzon ang mga magulang at pamunuan ng mga paaralan na makipagtransaksyon lamang sa mga rehistrado at lehitimong school service providers upang matiyak ang seguridad ng mga batang sakay. Pinaalalahanan din ang publiko na agad i-report sa LTO ang anumang kahina-hinalang aktibidad ng kolorum na transportasyon sa kanilang lugar.
