
Ibinunyag ni Senadora Risa Hontiveros nitong Martes na naglaan umano ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P1 bilyon mula sa ipon ng mga miyembro nito para sa pamumuhunan sa isang online gambling platform, na itinuturing niyang iresponsable at hindi naaayon sa mandato ng ahensiya.
Sa kanyang privilege speech, kinuwestyon ni Hontiveros ang naging desisyon ng pamunuan ng GSIS sa ilalim ni suspendidong GSIS President Jose Arnulfo “Wick” Veloso na mag-invest sa DigiPlus, isang kilalang online gaming company.
Ayon kay Hontiveros, pumasok ang GSIS sa nasabing investment habang nasa pinakamataas ang presyo ng shares nito sa P65.30 — na ngayon ay bumagsak na sa P13.68.
“Lugi na! At higit sa lahat, anong iniisip ng GSIS para itaya ang pera ng mga public sector workers sa sugalan? Eh tayo ngang mga empleyado ng gobyerno, bawal sa casino, tapos sila, buong pondo ng pensyon tinaya?” ani Hontiveros.
Binatikos din ng senadora ang tila sunod-sunod na kuwestyunableng investment decisions ng GSIS, kabilang ang mas naunang P1.4 bilyon na investment sa Alternergy Holdings Corp., isang renewable energy firm na sinasabing may mababang financial standing.
Nauna nang sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Veloso at anim pang opisyal ng GSIS dahil sa Alternergy deal, na umano’y isinagawa nang walang sapat na pagsusuri at labag sa internal policies ng GSIS.
Ayon sa Ombudsman, may matibay na ebidensyang nagpapakita ng posibleng “grave misconduct,” “gross neglect of duty,” at iba pang paglabag sa mga regulasyon ng ahensya.
Nagpahayag din ng suporta si Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, at nangakong paiimbestigahan ang impormasyong ibinulgar ni Hontiveros.
“Kailangan masilip kung may kickback, komisyon, o personal na pakinabang sa mga transaksyong ito,” ani Tulfo. “Hindi puwedeng gamitin ang pera ng mga empleyado ng gobyerno sa mga iresponsableng investment.”
Dagdag pa ni Hontiveros, tila may “pattern” ng pabaya at delikadong pamumuhunan sa ilalim ng kasalukuyang liderato ng GSIS.
“Ang pondo ng pensyon ay hindi puwedeng isugal. Hindi ito eksperimento. Dito nakasalalay ang kinabukasan ng mga lingkod-bayan,” diin ng senadora.
Hinimok niya ang Senado na repasuhin ang kasalukuyang investment policies ng GSIS at tiyaking may sapat na oversight at accountability.
Patuloy na hinihintay ng media ang tugon mula sa GSIS at kay Veloso kaugnay ng mga akusasyon. Sa paunang pahayag, tiniyak ni Veloso ang kanilang pakikiisa sa imbestigasyon at ipinagtanggol ang integridad ng kanilang mga naging pasya.
