Sa gitna ng matinding pinsalang iniwan ng nagdaang bagyo at pagbaha, nanguna ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalanta sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Pinamunuan ni FFCCCII President Dr. Victor Lim, katuwang ang mga kaugnay na civic groups sa ilalim ng Pilipino at Tsino Magkaibigan Foundation, ang pamamahagi ng ₱10 milyong halaga ng emergency aid, kabilang ang 10,000 bag ng bigas na personal na iniabot kay Manila Mayor Isko Moreno noong Hulyo 31, 2025.
Ang tulong ay agad na ipinadala sa mga pinakaapektadong lugar sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, La Union, at iba pang lalawigan. Tinututukan sa relief operations ang mga evacuation center at mga komunidad na na-isolate dahil sa sakuna.
“Ang pagsuportang ito ay nagpapakita ng di-matitinag na bayanihan ng aming komunidad. Kapag may naghihirap na kapwa Pilipino, dapat tayong magkaisa—hindi lang para magbigay ng tulong, kundi pag-asa rin,” ayon kay Dr. Lim.
Hindi lamang sa bagyo nakatuon ang pagtulong ng FFCCCII. Nitong nakaraang buwan, pinangunahan din ni Dr. Lim at ng mga kasapi ng Negros Filipino Chinese Chambers, kabilang ang Bacolod Filipino Chinese Chamber of Commerce, ang pamamahagi ng construction materials para sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Kanlaon sa limang lungsod at bayan sa Negros: La Castellana, La Carlota City, Bago City, Kanlaon City, at Moises Padilla.
Bilang dagdag na suporta sa lokal na emergency response, pinangunahan din ni Dr. Lim at Bacolod City Mayor Greg Gasataya ang donasyon ng modernong 7-palapag na fire truck na may 100-foot hydraulic ladder para sa Bacolod Filipino Chinese Volunteer Fire Brigade. Ang naturang truck ay mula sa Dr. Manuel S. Lo family ng Grace Pharmacy Bacolod at Merzci Bakeshop.
Ang mabilis na mobilisasyon ay patunay ng matatag na paninindigan ng Filipino Chinese community sa pagbibigay ng tulong hindi lamang sa agarang pangangailangan kundi pati na rin sa pangmatagalang rehabilitasyon ng mga komunidad.
Sa panahon ng sakuna, tunay ngang buhay na buhay ang diwa ng bayanihan—Pilipino man o Tsinong dugong nananalaytay, iisa ang layunin: ang tumulong, magkaisa, at bumangon.
