
Sa tulong ng Philippine Red Cross (PRC), mas pinalawak pa ang abot ng MILO SAFE Swim Program, isang kampanya para ituro ang kahalagahan ng water safety at first aid sa mga pamilyang Pilipino.
Ang programa ay inilunsad bilang tugon sa patuloy na panganib ng pagbaha at mga insidenteng may kinalaman sa tubig sa bansa. Sa event na ginanap sa Lourdes School of Mandaluyong noong Hulyo 27, kasabay ng paggunita sa World Drowning Prevention Day (Hulyo 25), nanawagan si PRC general manager Dr. Gwendolyn Pang sa publiko:
“Gawin nating misyon na protektahan ang isa’t isa, itaas ang kaalaman sa kaligtasan, at bigyan ng oportunidad ang bawat bata na matutong lumangoy nang ligtas.”
Tampok sa event ang tatlong pangunahing sesyon sa tulong ng certified PRC instructors at Bert Lozada Learn-to-Swim (BLSS) coaches:
- Seminar sa life-saving skills gaya ng CPR at first aid
- Panimula sa water safety at swim assessments
- Aktwal na demonstrasyon ng ligtas na paglangoy
Pinasimulan noong 2024, ang MILO SAFE Swim ay nakarating na sa Davao, Cagayan de Oro, Ilocos Sur, Cavite, Cebu, Bacolod, Pampanga, at Pasig. Layunin nitong gawing pangalawang kalikasan ng bawat Pilipino ang pagiging ligtas sa tubig – katulad ng “duck, cover, and hold” kapag may lindol.
Ang kahulugan ng SAFE:
- Stay calm – huwag mag-panic
- Ask a buddy – huwag lumangoy mag-isa
- Float – humiga at huminga
- Easy kicks – igalaw ang paa para manatiling nakalutang
Ayon kay MILO assistant vice president Carlo Sampan, patuloy ang kanilang adbokasiya sa paghubog ng mga “champions in life” — at ngayon, pati sa tubig.
“Ang pagkalunod ay nananatiling isa sa nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa Pilipinas. Kaya isinilang ang MILO SAFE Swim – para iligtas ang buhay, palakasin ang loob, at buuin ang matatag na pamilya.”
Nagpahayag din ng suporta ang Olympian swimmer na si Jenny Guerrero, na naniniwalang hindi lang paligsahan ang paglangoy, kundi isang kasanayang pwedeng magligtas ng buhay.
“Hindi porke’t marunong kang lumangoy ay ligtas ka na agad. Natututuhan ito. At bawat batang Pilipino ay dapat matuto,” ani Guerrero, na lumaban sa 2000 Sydney Olympics. (RON TOLENTINO)
