Nanawagan ang mga empleyado ng iba’t ibang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agad nang ipatupad ang ikalawang bahagi ng Compensation and Position Classification System o CPCS-2, upang maisaayos at mapanatili ang benepisyo at tamang pasahod para sa mga manggagawa ng gobyerno.
Sa The Agenda forum sa Club Filipino sa San Juan City, sinabi ni Nanette Jariño Lati, Pangulo ng Land Bank of the Philippines Employees Association (LBPEA), na matagal nang nagsusumamo ang mga tinaguriang Government Financial Institutions (GFIs) para sa pantay at makataong kompensasyon.
“Simula pa noong pandemya, marami sa aming mga kasama ang pumanaw habang patuloy na naglilingkod sa publiko. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring CPCS-2,” giit ni Lati, na siya ring Executive Vice President ng National Union of Bank Employees Insurance and Finance Organizations (NUBE).
Ayon kay Lati, sa kasalukuyan ay wala silang rice allowance, provident fund, HMO at iba pang benepisyo bunsod ng mga limitasyong ipinataw ng Corporate Governance Council (CGC). Aniya, dahil dito ay nalilimitahan din ang kapangyarihan ng Board of Directors ng pitong pangunahing GFIs na ipaglaban ang kapakanan ng mga manggagawa.
“Kahit may input kami sa CPCS-2, hindi kami kinonsulta. Hindi namin alam kung anong nangyari sa mga suhestiyon namin,” dagdag pa ni Lati. Binanggit rin niyang nakatanggap na ng dalawang beses na umento sa sahod ang Social Security System (SSS), habang ang ibang GFIs ay nananatiling walang dagdag-sahod mula pa noong 2021.
Ayon kay Atty. Susan Iduyan, Pangulo ng PhilHealth Independent Employees Association (PICEA), ang mga benepisyong ipinagkaloob sa ilalim ng CPCS-1 ay sinuspinde ng CGC nang walang paliwanag. Binanggit niyang sa ilalim ng Executive Order No. 150, nakasaad ang obligasyon ng pamahalaan na magsagawa ng review kada tatlong taon, ngunit simula Oktubre 2024 ay wala pang inilalabas na resulta ang CGC.
“Kami ay handang magsampa ng petition for mandamus upang mapilitan ang CGC na tuparin ang kanilang tungkulin,” ani Iduyan.
Nagpahayag din ng suporta sa panawagan sina Joseph Ariel Ramirez ng PHILDICEO (Philippine Deposit Insurance Corporation Employees Organization), Louie Israel ng PAFELA (Pag-IBIG Fund Employees Labor Association), at mga kinatawan ng ACCESS-SSS (Association of Concerned SSS Employees).
Giit nila, matagal na nilang ipinaglalaban ang pagbabalik ng kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA), rice subsidy, HMO allowance, at iba pang benepisyo na tinatayang aabot sa ₱100,000 bawat empleyado.
Ayon kay Ramirez, “Lahat ng hinihingi naming benepisyo ay naaayon sa batas.” Dagdag naman ni Israel, tuloy-tuloy ang pagtugon ng Pag-IBIG sa mga loan applications ng mga empleyadong nasalanta ng kalamidad, kahit na limitado ang kanilang natatanggap na suporta.
Sa pagtatapos ng forum, sabay-sabay na sumigaw ang mga dumalong lider at miyembro ng unyon: “CPCS-2, please approve now!” bilang huling panawagan sa Pangulo na agarang aksyunan ang kanilang hinaing.
“Si Pangulong Marcos ay nakikinig naman. Umaasa kami na madinig niya rin ang aming panawagan para sa maayos na benepisyo ng mga GFI workers,” pagtatapos ni Lim.
Sa buong bansa, tinatayang aabot sa 30,000 ang mga empleyado ng GFIs—kabilang na ang mahigit 10,000 manggagawa mula sa Land Bank of the Philippines.
