Isang makasaysayang kabanata ang nagsara matapos pumanaw ang pinakamatandang tao sa Japan, si Miyoko Hiroyasu, sa edad na 114 nitong Martes, ayon sa ulat ng Ministry of Health, Labor and Welfare.
Si Hiroyasu, na tubong Nakatsu City sa Oita Prefecture, ay isinilang noong Enero 1911 at naging sentro ng atensyon sa bansa bilang simbolo ng mahabang buhay. Nito lang Mayo 2025, kinilala siya bilang pinakamatandang buhay na Hapon matapos mamatay ang isa ring 114-anyos mula sa Shizuoka Prefecture.
Tahimik ang mga opisyal tungkol sa sanhi ng kanyang kamatayan, ngunit maraming Hapones ang nagbigay-pugay sa kanyang mahabang buhay na sumaklaw sa mahigit isang siglo ng kasaysayan.
Pumalit sa trono ng “pinakamatanda” si Shigeko Kagawa, isa ring 114-anyos mula sa Yamatokoriyama, Nara Prefecture. Ipinanganak siya noong Mayo 1911, ilang buwan lang ang pagitan nila ni Hiroyasu.
Sa bansang kilala sa mahabang lifespan, inaabangan palagi kung sino ang susunod na hahawak ng titulo bilang pinakamatanda sa buong Japan — isang patunay ng disiplina, healthy lifestyle, at dedikasyon ng mga Hapones sa kanilang kalusugan. (LIMUEL TOLENTINO)
