Malugod na tinanggap ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa matagumpay na pagtugon ng ahensya sa 11-taong backlog ng license plates, na binanggit sa ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na ang pagtutok ni Pangulong Marcos sa nasabing problema at ang pagbibigay ng buong suporta ay nagsilbing inspirasyon sa LTO upang maisakatuparan ang kanilang pangako.
“Sa aming pag-uusap noong nakaraang taon, nakita ko ang determinasyon ng Pangulo na resolbahin ang suliraning ito. Dahil sa kanyang buong suporta, nagkaroon ako ng lakas ng loob na mangako na matatapos natin ang plate backlog sa unang semestre ng 2025,” ani Mendoza.
Noong Hunyo 30, 2025, natapos ng LTO ang pag-iimprenta ng huling batch ng mga license plate, bilang katuparan ng pangakong ibinigay sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino.
Sa kasalukuyan, nakatuon ang LTO sa agarang pamamahagi ng mga plaka sa kanilang mga lehitimong may-ari. Kabilang dito ang pagpapagana ng online platform na LTO Tracker, na may opsyon para sa door-to-door delivery.
Bilang tugon sa kautusan ng Pangulo na gawing mas mabilis at digitalized ang mga serbisyo ng pamahalaan, inilunsad din kamakailan ng LTO ang Plate Registration Management Information System (PRMIS). Layunin ng sistemang ito na wakasan ang dekada-dekadang pagkaantala sa paglalabas ng rehistro at plaka ng mga sasakyan.
“Napakalaki na ng ipinagbago ng inyong LTO sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos: mabilis na ang paglalabas ng mga dokumento, agresibo at epektibo ang aksyon kontra sa mga pasaway sa kalsada, at higit sa lahat—lahat ay may plaka na,” dagdag pa ni Mendoza.
Pinasalamatan din ng LTO Chief ang mga opisyal at kawani ng ahensya, sa pangunguna ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, para sa kolektibong tagumpay ng mga programa’t reporma.
“Ngunit ang lahat ng ito ay hindi magiging posible kung walang buo at walang-sawang suporta mula kay Pangulong Marcos. Siya ang aming inspirasyon at dahilan kung bakit sinisikap naming ibigay ang pinakamahusay na serbisyo para sa sambayanang Pilipino,” pagtatapos ni Mendoza.
