
Matinding kahihiyan at galit ang ipinamalas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng umano’y mga “ghost” o pekeng flood control projects na ibinulsa lang umano ng ilang tiwaling opisyal at kontratista.
Sa kaniyang talumpati ngayong Hulyo 28, diretsahang tinawag ni Marcos na mga “pigments of imagination” ang ilang proyektong pinondohan pero hindi natapos—o di man lang sinimulan.
Ayon sa Pangulo, mismong siya ang nag-inspeksyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Crising, Dante, at Emong. Aniya, maraming flood control projects ang palpak, gumuho, o mas masahol pa—“guni-guni” lang umano.
“Kamakailan lamang nag-inspection ako sa epekto ng bagyong Crising, Dante, at Emong. Kitang-kita ko na maraming proyekto ay palpak at gumuho. At ‘yung iba, guni-guni lang,” ani Marcos.
Hindi rin nagpaligoy ang Pangulo sa pagsiwalat ng korapsyon. Ayon sa kanya, batid na ng publiko ang mga “raket” sa likod ng mga proyekto, kabilang ang umano’y mga kickback.
“Wag na tayong magkunwari. Alam ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto,” wika niya.
“Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mamamayan—mahiya naman kayo!”
Iginiit ni Marcos na ang tunay na biktima ng kapalpakan ay ang mga pamilyang naanod, nalubog, at ang mga anak na mamamana ng utang dulot ng korapsyon.
Bilang tugon, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects mula sa bawat rehiyon sa loob ng huling tatlong taon.
Inutusan din niya ang Regional Project Monitoring Committees na busisiin ang mga proyektong ito, tukuyin kung alin ang natapos, sablay, o “ghost” projects.
Dagdag pa ni Marcos, isusapubliko ang buong listahan para makilahok ang mamamayan sa pagtukoy ng anomalya.
“Isasapubliko natin ang listahang ito kaya’t ang publiko ay malayang magsuri at magbahagi ng kanilang nalalaman para makatulong sa imbestigasyon.”
Nag-utos din si Marcos ng audit at performance review upang malaman kung paano ginastos ang pera ng bayan.
Mariing banta ng Pangulo: Sa susunod na buwan, makakasuhan ang mga tiwaling opisyal at kasabwat na kontratista.
“Sa susunod na buwan makakasuhan ang lahat ng may sala mula sa imbestigasyon, pati na ang kasabwat na kontratista sa buong bansa,” babala niya. “Kailangang malaman ng taumbayan ang buong katotohanan. Kailangang may managot sa matinding pinsala at katiwalian.”
