Nilinaw ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na hindi bawal ang mga rali ngayong SONA, basta ito’y nasa loob ng batas at walang manggugulo.
Sa isang press briefing Lunes ng umaga, bago ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinabi ni Torre na malaya pa ring magpahayag ang taumbayan—kung maayos at walang kaguluhan.
“Okay lang ang rally kung nasa batas. Hindi natin pipigilan basta hindi lumalabag,” pahayag ng hepe ng pulisya.
Mahigit 16,000 PNP personnel at 7,000 force multipliers mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang ipinuwesto sa paligid ng Batasan Complex at iba pang key areas para bantayan ang seguridad sa araw ng SONA.
“We are still exercising maximum tolerance, pero dapat sumunod ang lahat sa mga panuntunan,” dagdag ni Torre.
Pero sa kabila ng pagpayag sa mga kilos-protesta, mariing binalaan ni Torre ang publiko laban sa pagsusunog ng effigy o mga imahe ng mga opisyal bilang porma ng protesta.
“Delikado ‘yan sa kalsada—baka lumipad ang baga at makadisgrasya pa ng sasakyang may tagas sa gasolina,” paliwanag niya.
Ayon sa PNP, nakipag-ugnayan na sila sa Bagong Alyansang Makabayan na magra-rally sa Saint Peter’s Parish, Commonwealth Ave, Tindig Pilipinas sa White Plains Avenue at isang pro-administration group malapit sa Sandiganbayan.
Ayon pa kay Torre, hangga’t payapa at maayos ang kilos-protesta, hindi sila manghihimasok. “Karapatan ‘yan ng mamamayan. Kami pa nga ang magbabantay para masiguro ang kanilang kaligtasan,” pagtatapos niya.
