
Hindi man naiuwi ni Esnyr ang top prize sa “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition,” masaya’t kuntento pa rin ang content creator sa naging takbo ng kanyang paglalakbay sa loob ng Bahay ni Kuya.
Sa isang media conference kasama ang iba pang housemates, ibinahagi ni Esnyr kung paano siya nabago ng karanasan sa loob ng PBB house.
“Mas naging appreciative ako sa Bahay ni Kuya. Mas naging faithful ako sa little things—kasi limitado kami sa pagkain, kulang sa tulog. Pero na-appreciate ko kasi sila ang mga kasama ko. Kahit simpleng bagay gaya ng katabi kong matulog si crush, thankful na ako,” pahayag ng komedyante.
Bagamat aminadong gusto niyang manalo kasama ang kanyang ka-tandem na si Charlie Flemming, hindi naging hadlang sa kanilang pasasalamat ang pagkamit ng 3rd place finish.
“Sa lahat ng nagro-root sa akin, huwag kayong mag-alala, ipapa-root canal ko kayong lahat,” pabirong tugon ni Esnyr. “Maraming salamat sa lahat ng naniniwala sa amin ni Charlie. Nilaban namin ‘to, at naging vocal ako tungkol doon.”
Dagdag pa ni Esnyr, mas mahalaga sa kanya ang layunin niyang maibahagi ang kanyang kuwento—lalo na sa LGBTQ+ community na kinatawan niya sa programa.
“Noong nakuha namin ang third place, na-realize ko na hindi naman siya kawalan. Bonus na lang ito dahil may isang nagrepresent ng LGBT+ community na umabot sa Big Four. Yung goal ko talaga ay makapag-share ng story ko, kaya doon pa lang panalo na tayo.”
Sa pagtatapos ng panayam, muling nagpasalamat si Esnyr sa lahat ng sumuporta sa kanya.
“Maraming salamat at hindi ko alam kung ano ang nakita ninyo sa akin, pero I will not disappoint you. I love you all.”
Kahit hindi naging kampyon, nanatiling tagumpay para kay Esnyr ang kanyang “PBB” journey—isang patunay na ang tunay na panalo ay ang damdaming nainspire mo ang iba sa pamamagitan ng iyong katotohanan.
