Good news sa mga empleyado ng gobyerno! Ipinahayag ng Civil Service Commission (CSC) na maaaring mag-avail ng hanggang limang (5) araw na Special Emergency Leave (SEL) ang mga apektado ng mga bagyo, habagat, at iba pang sakuna — at hindi ito bawas sa leave credits!
Ayon sa CSC, ang special leave ay puwedeng kunin sunud-sunod o paisa-isa basta’t gamitin sa loob ng 30 araw mula nang magsimula ang kalamidad.
“Kung binaha ka, nasira bahay mo, o naapektuhan ka ng bagyo — puwede kang magpahinga ng limang araw nang hindi binabawasan ang leave mo,” saad ng CSC sa kanilang pahayag ngayong weekend.
Kung ang lugar mo ay hindi pa opisyal na dineklarang nasa ilalim ng state of calamity, huwag mag-alala — puwede ka pa ring bigyan ng SEL basta may basbas ng inyong boss!
“May discretion ang mga head of agency. Basta may guidelines at ebidensya ng pinsala, puwede kang payagang mag-leave,” dagdag ng CSC.
Saklaw ng emergency leave ang mga empleyadong apektado ng lindol, malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, pagsabog ng bulkan, at iba pang matinding kalamidad na may epekto sa buhay, kalikasan, o kabuhayan.
As of July 25, mahigit 30 local government units na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa walang tigil na ulan dala ng habagat at mga bagyong Dante, Emong, at Crising.
