
BINAGYO KA? May tulong na naghihintay!
Nagpaabot ng agarang ayuda ang gobyerno para sa mga pamilyang tinamaan ng bagyong “Crising” at tuloy-tuloy na ulan dala ng habagat. Kabilang sa inisyatibo ang isang buwang “moratorium” sa bayad sa pabahay at ang pagbubukas ng Calamity Loan Program ng Pag-IBIG.
Ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), layunin nitong mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang nawalan o nasiraan ng tirahan sa Visayas at Mindanao.
“Bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinisiguro nating agarang matulungan ang mga nasalanta,” pahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Pansamantalang sinuspinde ng mga ahensyang SHFC, NHA, at NHMFC ang koleksyon ng buwanang bayad sa pabahay sa mga apektadong lugar.
“Makakatuon sila ngayon sa mas agarang pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at pag-aayos ng bahay,” dagdag ni Aliling.
Pwede na ring manghiram ng hanggang 90% ng kanilang savings ang qualified members ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng Calamity Loan Program.
May insurance claim din para sa mga may housing loan na nasira ang bahay dahil sa bagyo.
Pinapatupad din ang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) para sa mga totally o partially damaged ang bahay.
Kasama ang LGUs sa pag-identify ng mga benepisyaryo para siguradong ang tulong ay napupunta sa tamang tao.
“Kapit-bisig kami ng mga LGU para mas mabilis at organisado ang pamamahagi ng tulong,” giit ni Aliling.
Patuloy ang monitoring ng DHSUD sa mga rehiyong napinsala. Naka-standby na rin ang mga tent, tarpaulin, at shelter kits para sa mga nangangailangan.
Ang bagyong Crising ay nagdulot ng malawakang pagbaha at paglikas sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao. Habang nagpapatuloy ang pag-ulan, tuloy-tuloy rin ang tulong ng gobyerno.
