
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang porsyentong bawas sa ipapataw sanang 20% US tariff bilang isang “malaking tagumpay” — kahit pa para sa maraming eksperto, ito’y tila barya lang kapalit ng bukas na pamilihan sa Amerika.
Sa kanyang pagbisita sa White House noong Hulyo 22, isang linggo bago ang kanyang ika-apat na SONA, sinabi ni Marcos na “malaki na ang isang porsyento” mula sa dating 20% na taripa na ipapataw sana sa mga produktong Pilipino simula Agosto 1, 2025.
“Ang basehan ng negosasyon ay 20%, at nakuha natin pababa sa 19%. Baka maliit pakinggan, pero sa totoo lang, malaking bagay na ‘yan sa mundo ng diplomasya,” ani Marcos sa harap ng media.
Ayon sa Pangulo, pumayag na ang Pilipinas na alisin ang taripa sa mga sasakyang gawang Amerika, at magbukas ng merkado para sa soy, wheat, at pharmaceutical products mula sa US — kapalit ng maliit na bawas sa buwis na sisingilin sa mga produktong Pilipino.
“May mga merkado silang gustong mapasok na dati ay hindi bukas, gaya ng sektor ng sasakyan. Bubuksan natin iyon,” pahayag ni Marcos.
Lumilitaw na ang kasunduan ay halos one-way traffic — pabor sa Amerika. Habang binawasan ng 1% ang taripa sa Pilipinong produkto, iniluwag naman ng Pilipinas ang taripa para sa produkto ng Amerika, lalo na sa mga industriya kung saan sila ang may bentahe.
Sa parehong araw, inanunsyo rin ng White House ang US-Indonesia deal, kung saan ang taripa sa Indonesian goods ay bumaba rin sa 19% — pero kapalit nito, tinanggal ng Indonesia ang halos lahat ng hadlang sa US exports.
Habang nagtatalo ang mga eksperto sa halaga ng kasunduan, todo papuri naman sina Marcos at dating US President Donald Trump sa isa’t isa sa Oval Office. Kasama ni Marcos ang buong tropa ng Cabinet members, kabilang sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, at Trade Secretary Christina Roque.
Nag-anunsyo rin ang US ng P3 bilyong ayuda para sa Pilipinas, kabilang ang pondo para sa transportasyon, enerhiya, logistics at semiconductors, pati na rin ang P500 milyon para sa modernisasyon ng AFP at Coast Guard.
Habang binabandera ng Palasyo ang naturang “achievement,” pumalag ang ilang sektor at ekonomista:
“Isang porsyento ang bawas, pero ang kapalit — buong merkado ng Pilipinas? Parang lugi tayo,” ani ng isang political analyst.
Para sa ilan, PR win lang ito, hindi economic victory. Pero para kay Marcos, “negotiated success” na raw ito — kahit parang discount coupon lang kapalit ng pagbukas ng pinto sa dambuhalang negosyo ng Amerika.
