Nagpahayag ng pagkabahala si QC Mayor Joy Belmonte hinggil sa walang katapusang problema sa baha sa Metro Manila.
Sa panayam sa DZMM nitong Martes, Hulyo 22, iginiit ng alkalde na hindi lang Quezon City ang dapat kumilos, kundi lahat ng LGU sa Kalakhang Maynila.
“Hindi puwedeng kanya-kanya. Ang ilog at kanal, magkakakonekta—kaya dapat sabay-sabay ang paglilinis at pagtutok,” giit ni Belmonte.
Isa sa mga dahilan ng pagbaha, ayon kay Mayor Joy, ay ang patuloy na pagtatapon ng basura at plastic sa mga kanal at estero.
Sa Quezon City, ipinatupad na nila ang “No Single-Use Plastic Policy” at nanawagan siyang sana gayahin na rin ito ng iba pang lungsod sa Metro Manila.
“Kahit anong linis ng QC, kung sa kabilang bayan puno ng plastik ang ilog, babalik din sa amin ang baha!” dagdag ng alkalde.
Hindi rin pinalampas ni Mayor Joy ang isyu ng ilang malalaking imprastraktura na aniya ay nagdulot din ng mas matinding pagbaha.
“May mga proyekto kasing hindi naisip ang natural na daluyan ng tubig. Tingnan n’yo ang Commonwealth—dahil sa MRT-7 construction, baha agad. Sa Araneta Avenue, may Skyway Stage 3, nagiging palanggana rin kapag umulan,” paliwanag ni Belmonte.
“Hindi kaya ng QC lang ito. Kailangan ng buong Metro Manila ang magtulungan—isang bayanihan kontra baha,” ani Mayor Joy.
Nanawagan siya sa mga kapwa alkalde at sa national government na pag-isipan ang long-term solutions na may climate resilience at nature-based development para wakasan na ang taon-taong pagbaha.
