Nilinaw ng Department of Finance (DOF) na ang bagong batas na nagtatakda ng standard tax rate sa interest income ay hindi tatamaan ang ipon ng karaniwang Pilipino, kundi mga mayayaman lamang na noon ay nakikinabang sa mas mababang buwis.
Ayon kay Finance Secretary Ralph G. Recto, layunin ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) na tanggalin ang special treatment para sa mga malalaking depositors sa pamamagitan ng pagtatakda ng iisang buwis na 20% tax sa lahat ng interest income mula sa deposito, anuman ang haba ng maturity period.
“Hindi ito bagong buwis. Pinantay lang natin ang rate para alisin ang hindi patas na sistema na pabor sa mayayaman,” pahayag ni Recto nitong Hulyo 17, bilang tugon sa mga maling impormasyon na kumakalat online.
Base sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 99.6% ng kabuuang deposito sa bansa ay dati nang pinapatawan ng 20% tax, habang ang 0.4% na malalaking deposito na may long-term maturity ay may mas mababang buwis o kaya’y tax-exempt.
Ayon sa DOF, dati, ang mga deposito na may maturity na higit sa limang taon ay walang buwis, habang ang tatlong hanggang apat na taon ay may 12% tax, at ang apat hanggang limang taon ay may 5% tax lamang.
“Ipinapasa natin ngayon ang patas na sistema para hindi malugi ang mga ordinaryong Pilipino na walang kakayahang mag-park ng pera nang matagal sa bangko,” ayon sa DOF.
Nilinaw rin ng DOF na hindi sakop ng CMEPA ang mga provident savings programs tulad ng SSS, GSIS, at Pag-IBIG MP2, kaya’t nananatiling tax-exempt ang mga ito.
Ang bagong tax rate ay epektibo mula Hulyo 1, 2025, ngunit hindi nito babaguhin ang kasunduan sa mga deposito at financial instruments na inisyu o binili bago ang nasabing petsa. Mananatili ang dating tax rate ng mga ito hanggang sa maturity.
Bilang bahagi ng reporma, binabaan din ng CMEPA ang stock transaction tax mula 0.6% patungong 0.1%, at ibinaba ang documentary stamp tax sa bagong shares mula 1% patungong 0.75%. Tinanggal rin ang DST sa collective investment schemes.
Layunin ng mga hakbang na ito na pababain ang transaction costs, palawakin ang merkado, at hikayatin ang mas maraming Pilipino na mag-invest at magplano ng mas maayos para sa kanilang kinabukasan. “Patuloy kaming magpapatupad ng makatarungan at balanseng mga polisiya sa buwis para sa mas patas at mas malawak na oportunidad para sa lahat ng Pilipino,” ayon sa pahayag ng DOF.
