Pinag-aaralan ngayon ng Malacañang ang posibilidad ng pagsasampa ng legal na aksyon laban sa umano’y mga “ghost employees” sa loob ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), partikular sa tanggapan ng Monetary Board.
Sa pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes, sinabi niyang nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malinis ang administrasyon kaya’t hindi palalagpasin ang mga ganitong insidente.
“Pag-aaralan po iyan. Sa ngayon po, tinanggal sila at iyon naman po ang nais ng Pangulo. Ang nais ng Pangulo ay maging malinis ang kanyang administrasyon at kung may dapat managot, dapat managot,” ani Castro.
Batay sa mga ulat, apat na empleyado at isang supervisor na sangkot umano sa isyu ang kusang nagbitiw sa kanilang mga posisyon noong Marso 2024.
Kinumpirma rin ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na nasa tanggapan na ng Pangulo ang usapin.
Sa isang pahayag ng BSP, sinabi nitong kasalukuyan silang nagsasagawa ng post-incident review upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong anomalya.
“We are reviewing our rules to ensure that this will not happen again,” ayon sa BSP.
Tiniyak din ng BSP na babawiin nila ang lahat ng sweldong naibigay sa mga pinaniniwalaang “ghost employees.”
Nagsimula ang imbestigasyon ng Office of the General Counsel noong Oktubre 3, 2023 matapos matanggap ang ulat na may ilang kawani sa opisina ng dalawang miyembro ng Monetary Board na hindi pumapasok sa trabaho ngunit patuloy na sumasahod. Pinasundan ito ng mas malalim na imbestigasyon noong Disyembre 2023.
Patuloy ang pagtutok ng publiko sa kaso habang hinihintay ang posibleng pagsampa ng pormal na kaso sa mga sangkot.
