Lumutang na ang sinasabing “key whistleblower” sa kaso ng mga nawawalang sabungero—at sa unang pagkakataon, direkta niyang idinadawit si dating NCRPO chief, retired Gen. Jonnel Estomo.
Si Julie “Totoy/Dondon” Patidongan, dating insider sa e-sabong operations umano ni gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, ay lumantad nitong Lunes, Hulyo 14, sa National Police Commission (Napolcom) upang pormal na maghain ng reklamo laban sa 12 pulis na sinasangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.
Pero hindi rito nagtatapos ang pasabog ni Patidongan.
Ayon sa kanya, kasama umano si Estomo sa “Alpha Group” ni Ang, at siya pa raw mismo ang nagrekomenda na ipapatay siya noong umalis siya sa grupo.
“Hindi lang ito simpleng kaso ng mga pulis na nangdukot. May mas mataas na utak dito. Kasama diyan si Estomo,” pahayag ni Patidongan.
Bukod sa 12 pulis na kinakasuhan ngayon, sinabi ni Patidongan na aabot pa sa 30 aktibong pulis ang posibleng masangkot sa serye ng pagdukot at pamamaslang sa mga sabungero, na sinasabing pinarurusahan dahil sa “game fixing” o pandaraya sa sabong.
Inihayag din niya na ang ilang katawan ng biktima ay itinapon umano sa farm malapit sa Taal Lake, na iniuugnay sa isa sa mga akusadong pulis.
Si Estomo, ayon kay Patidongan, ay hindi simpleng “bystander” sa kaso. Binansagan umano siyang bahagi ng special unit o grupo na may direktang koneksyon kay Atong Ang.
Bagamat hindi pa naglalabas ng pahayag si Estomo, lumilikha ng ingay ang pagsasangkot sa kanya lalo pa’t ilang buwan lamang ang nakalipas mula nang magretiro siya sa serbisyo bilang NCRPO director—isang mataas na puwesto sa PNP hierarchy.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan, magsisimula na ang proseso ng administrative investigation laban sa mga nasasangkot. Target ng Napolcom na matapos ang imbestigasyon sa loob ng 60 araw.
Kung mapatutunayan, posibleng humantong ito sa pagsibak, pagkakaso, at posibleng pagkakulong ng mga pulis at iba pang opisyal na sangkot.
