
Kulong na ngayon at posibleng masibak sa serbisyo ang isang bagitong pulis matapos mag-viral sa social media dahil sa pananakit at pagpapaputok ng baril sa mga kostumer at may-ari ng isang tindahan sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City noong gabi ng Sabado, Hulyo 12, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas Patrolman “Madlang-Awa,” 30 anyos, miyembro ng Class Magdasilayan 2020-2021 ng CALABARZON Police Training, at residente rin ng nasabing barangay, habang ang mga biktima ay sina alyas “Carl,” 20-anyos; alyas “Lyniel,” 20-anyos; alyas “Kayla,” 20-anyos; at alyas “Reagan,” 28 anyos, may-ari ng tindahan
Batay sa ulat ng Lucena Component City Police Station kay Quezon Police Provincial Director PCol. Romulo A. Albacea, dumating ang suspek sa isang tindahan sa lugar para bumili ng yelo habang lasing. Kasabay niyang bumili ng sigarilyo si alyas “Carl,” na bigla na lamang tinutukan ng baril ng suspek. Sa takot, agad na umalis si “Carl.”
Hindi pa rito natapos ang gulo. Sinundan ng suspek sina alyas “Lyniel” at “Kayla” at kinursunada rin. Nang paalis na ang dalawa, sinundan sila ng pulis at nagkaroon ng pagtatalo. Pinagbuhatan pa umano ng baril si “Kayla” at sinaktan ng suspek gamit ang mismong baril niya, dahilan ng mas matinding tensyon sa lugar.
Agad namang umawat ang kasama ng suspek at pati ang tindero na si “Reagan,” na isa rin sa mga biktima. Pinapasok nila sa loob ng tindahan sina “Kayla” at “Lyniel” upang maiwasan pang lumala ang insidente.
Makikita rin sa kuha ng CCTV na ilang beses nagpaputok ng baril ang suspek.
Ayon naman kay Colonel Albacea, patong-patong na kaso ang kakaharapin ng nakakulong ng suspek tulad ng Grave Threats, Unjust Vexation, Physical Injuries at Illegal Discharge of Firearms na posibleng matanggal na rin umano sa serbisyo.(KOI HIPOLITO / ERICHH ABRENICA)
