SUGATAN ang isang 57-anyos na security guard matapos barilin ng isang lalaki sa kasagsagan ng mainit na pagtatalo na nauwi sa suntukan sa Shortcut Phase 1B Extension, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal nitong Hulyo 12, 2025, bandang alas-6:00 ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Manolito Pepito y Pajac, may live-in partner, residente ng lugar, at nagtatrabaho bilang sekyu.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, nagkaroon umano ng matinding sagutan sa pagitan ng biktima at ng suspek na kinilalang si alyas Jerry, 48-anyos, residente ng Southville 8B, Brgy. San Isidro.
Sa kainitan ng pagtatalo, nauwi ito sa suntukan hanggang sa biglang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan si Pepito. Tinamaan ang biktima sa dibdib at agad na isinugod sa Casimiro Ynares Sr. Memorial Hospital para sa agarang medikal na atensyon.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas si “Jerry” patungong Brgy. San Isidro at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad. Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaril habang patuloy ang manhunt operation para maaresto ang suspek na kasalukuyang at-large.
Pinapayuhan ang publiko na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek.
