
Hindi napigilan ni Kyline Alcantara ang maging emosyonal habang inaalala ang walang sawang suporta na ibinigay sa kanya ng kaibigang si Barbie Forteza matapos ang pinagdaanang heartbreak.
Sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ikinuwento ng Sparkle star kung paano siya muling bumangon sa tulong ng pamilya, pananampalataya, at ng kaibigang si Barbie, na kasama rin niya sa bagong GMA primetime series na “Beauty Empire.”
“Si Barbie talaga, iba po talaga siya. Maiiyak ako, kasi iba po talaga si Barbie. She just gave me my confidence back, she made me realize na, ‘Ikaw muna, mare,’” ani Kyline habang pinipigilang lumuha.
Ayon pa kay Kyline, hindi na basta trabaho lang ang relasyon nila ni Barbie kundi tunay na pagkakaibigan na parang magkapatid na, gaya ng inilarawan din ni Boy Abunda.
Kwento pa niya, si Barbie raw ang palaging nagpapaalala sa kanya na unahin ang sarili, kumain nang maayos, at huwag pabayaan ang kalusugan. Isa sa hindi niya malilimutan ay ang panahon na dumalaw mismo si Barbie sa bahay niya nang malaman nitong hindi siya kumakain.
“May one time po tawag siya sa ‘kin, ‘O mare, papunta na ‘ko ha, kakain tayo. ‘Di ka kasi kumakain, kain tayo.’ Sabi ko, ‘Ha, hindi pa nakaayos ‘yung bahay namin, teka lang madumi pa.’ Sabi niya, ‘Wala akong pakielam, gusto lang kitang makita kumain, pupunta ako diyan, usap tayo.’”
Doon umano niya napatunayang hindi pangkaraniwan ang pagkakaibigan nila ni Barbie.
“Dun ko na-prove na iba talaga si madame Barbie. That’s why I love her. ‘Yan ang kaibigan talaga, Tito Boy. She has this special place in my heart,” dagdag ni Kyline.
Sa hiwalay na panayam naman ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, sinabi ni Kyline na mas maayos na ang kanyang kalagayan ngayon, at malaki ang naitulong ng mga taong nakapaligid sa kanya.
“My heart is good, it’s better now with the help of everyone around me,” aniya, at sinigurong hindi na kailangang mag-alala sa kanya ang kanyang mga tagasuporta.
Mapapanood sina Kyline at Barbie gabi-gabi sa “Beauty Empire” kasama si Ruffa Gutierrez, Lunes hanggang Huwebes, 9:35 PM sa GMA Network, at available din sa Viu.
