Pinangunahan nina Vice President and Head of Ortigas Malls Arch. Renee Bacani, San Juan Mayor Francis Zamora, Pasig City Councilor Angelu De Leon-Rivera, Rizal Councilor Jo Anne Saguinsin at iba pa ang ribbon-cutting ceremony para sa pagbubukas ng Ortigas Art Festival 2025 sa GH Mall sa Greenhills, San Juan. (Kuha ni Arnold Pajaron Jr)
Pormal nang binuksan ngayong araw, Hulyo 10, ang Ortigas Art Festival 2025 sa bagong tahanan nito—ang GH Mall—na may temang “Art for All: A Celebration of Borderless Artistic Expression.” Tatagal ang makulay na pagdiriwang ng sining mula Hulyo 10 hanggang Hulyo 24.
Mula sa isang lokal na eksibit, lumago ang Ortigas Art Festival sa nakalipas na walong taon at kinilala sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng mga prestihiyosong parangal gaya ng Asia-Pacific Stevie Awards at International Business Awards dahil sa inobasyon at aksesibilidad nito.
Ngayong taon, mas pinalawak pa ang layunin ng festival—hindi lamang bilang pagpapakita ng talento, kundi bilang isang makabuluhang kilusan para sa sining na bukas sa lahat.
Ayon kay Renato Habulan, artist at head curator ng Ortigas Art Festival, “Ang misyon namin ay ilapit ang sining sa tao, at ang tao sa sining. Ang ‘Art for All’ ay gabay na prinsipyo para bigyang lakas ang mga komunidad at Filipino artist.”
Kabilang sa mga tampok ngayong taon ang mga gawa nina Totong Francisco (apo ni National Artist Carlos Francisco), Raul Roco Jr. (anak ng yumaong Senador Raul Roco), fashion designer na si Chynna Mamawal, at mga litratista mula sa Born in Film, Redlab, at iba pa.

Ang East Wing Atrium ay magiging tahanan ng mga likha mula sa mga artist ng Angono (tinaguriang art capital ng Pilipinas), Linangan Art Residency, Ortigas Foundation, Shine Vitto Galerie mula Mindoro, at iba pang grupo mula Pasig, San Juan, at iba’t ibang panig ng bansa.
Sa South Wing Atrium naman matatagpuan ang mga eksibit mula sa Art Circle, Jean & Jaz Gallerie, Nami Art, at iba pa, na nagpapakita ng iba’t ibang anyo ng sining gaya ng mixed media, analog photography, at pagpipinta.

Para sa mga nais sumubok ng sining mismo, magaganap ang iba’t ibang workshop, art talks, at pop-up events sa 4F Tech Hub. May libreng art fair ang Philippine Guild of Watercolorists (PGW), talk mula kay Manny Garibay ng Linangan, at workshops na pangungunahan ng Pasig Art Club at Born in Film.
“Hindi lang ito panonood ng sining, kundi paglahok sa paglikha,” dagdag ni Habulan.
Hindi lamang biswal na sining ang tampok. Magsasagawa rin ng libreng film screenings sa Promenade Cinema simula Hulyo 11 sa pakikipagtulungan sa Film Development Council of the Philippines (FDCP). Tampok ang mga pelikulang Babae at Baril (Hulyo 11), John Denver Trending (Hulyo 12), at Thy Womb (Hulyo 18), lahat sa Cinema 4 ng GH Mall.
May kasamang fashion showcase mula kay Chynna Mamawal, at performances mula sa The Learning Tree, Halili School of Dance, at UPeepz—pinapakita ang kahalagahan ng sayaw at galaw bilang bahagi ng malikhaing ekspresyon.

Libre ang lahat ng eksibit at screenings, ngunit kailangan ng pre-registration para sa ilang workshops. Bukas ang festival tuwing mall hours mula Hulyo 10 hanggang Hulyo 24.
Ang Ortigas Art Festival ay isang paanyaya sa lahat—manunuri ka man ng sining, o karaniwang mallgoer—na tuklasin ang walang hangganang mundo ng paglikha. Dahil dito, ang sining ay hindi para sa iilan, kundi para sa lahat.
Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang GH Mall sa Facebook at Instagram.
