NATAGPUANG patay ang isang 26-anyos na lalaki na may mental disorder sa ilog sa kahabaan ng C6 Road, Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal nitong Hulyo 9, 2025, bandang alas-4:45 ng hapon.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Charles Abucay Subudo, residente ng Sitio Tapayan, Lupang Arenda sa nasabing barangay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station (MPS), iniulat ng ina ng biktima, si Cherry Abucay Subido, na tumalon ang kanyang anak sa bahagi ng Laguna de Bay noong Hulyo 8 habang sinusubukang pauwiin ng pamilya.
Kinabukasan, isang bangkay ang natagpuan ng isang bystander na palutang-lutang sa ilog sa nasabing lugar. Agad itong kinilala ng pamilya bilang si Charles.
Sa isinagawang ocular inspection ng mga imbestigador, walang palatandaan ng foul play o anumang uri ng karahasan sa katawan ng biktima.
