Mas mabilis at mas abot-kamay na ngayon ang HIV confirmatory testing sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH), matapos mag-operate ang 168 rapid HIV diagnostic algorithm (rHIVda) laboratories sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Sa isang public advisory nitong Lunes, sinabi ng DOH na mula sa dating pito hanggang 21 araw, maaari nang makakuha ng HIV confirmatory test results sa loob lamang ng isang araw.
“Kung ikukumpara noon, aabot sa pitong araw hanggang tatlong linggo bago malaman ang HIV status ng isang tao sa pamamagitan ng confirmatory test. Ngayon, isang araw lang ang kakailanganin para makuha ang resulta,” pahayag ng DOH.
Ang rHIVda ay ginagamit upang kumpirmahin ang reactive results mula sa initial HIV screening. Confirmatory testing ang opisyal na batayan bago ma-diagnose ang isang indibidwal na may HIV at maisama sa treatment services.
Binigyang-diin ng DOH ang kahalagahan ng maagang diagnosis at paggamot, kaya’t ang mga certified rHIVda laboratories ay estratehikong ipinamamahagi sa buong bansa upang mas mapadali ang access ng publiko.
Makikita ang kumpletong listahan ng mga rHIVda sites sa: bit.ly/rHIVdaSitesPH.
Ang pagtatayo ng mga lab ay bahagi ng National HIV, AIDS, and STI Prevention and Control Program ng kagawaran, na layuning palakasin ang case finding at pahusayin ang testing capacity sa bansa.
Kaugnay nito, pinapaigting ng DOH ang pagtupad sa 95-95-95 health target ng Pilipinas pagsapit ng 2030: 95% ng mga taong may HIV ay malaman ang kanilang status, 95% ng may alam sa kanilang status ay mabigyan ng antiretroviral therapy (ART) at 95% ng nasa ART ay makamit ang viral suppression.
“Ang mas mabilis na HIV testing ay isang mahalagang hakbang para sa mas maagap na paggamot, mas mahabang buhay, at mas ligtas na komunidad,” pagtatapos ng DOH.
