
San Juan City – Muling pinatunayan ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang maayos nitong pamamahala matapos makatanggap ng “unmodified opinion” mula sa Commission on Audit (COA) para sa calendar year 2024, ayon kay Mayor Francis Zamora nitong Biyernes.
Ang “unmodified opinion” ay ang pinakamataas na uri ng audit rating na maaaring ibigay ng COA, na nangangahulugang ang mga financial statements ng lungsod ay wasto, kumpleto, at alinsunod sa umiiral na pamantayan ng pampinansyal na pag-uulat.
“Itong COA opinion ay patunay ng ating matatag na paninindigan sa mabuting pamamahala, transparency, at pananagutan sa publiko,” pahayag ni Mayor Zamora.
Pinasalamatan din ng alkalde ang mga kawani at opisyal ng lungsod sa kanilang kontribusyon sa pagtataguyod ng tapat at epektibong serbisyo para sa bawat San Juaneño.
Ang tagumpay na ito ay kasunod ng isa pang malaking pagkilala: ang pagkakaabot ng 100% drug-cleared status ng lahat ng barangay sa San Juan, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Nakamit ito ng lungsod noong 2023 bilang bahagi ng mahigpit na pamantayan ng pambansang kampanya kontra droga.
Bukod dito, nangunguna rin ang San Juan City sa buong Metro Manila sa pagkakaroon ng pinakamababang bilang ng krimen, na lalong nagpapalakas sa reputasyon ng lungsod bilang modelo ng ligtas at maayos na pamahalaan.
