
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makikipagtulungan ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) upang gamitin ang space technology para mapabuti at maprotektahan ang buhay ng mga Pilipino.
Ito ay matapos ang pulong ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng JAXA sa pagtatapos ng kanyang business meetings sa Osaka, Japan, nitong Biyernes, Hunyo 20.
“Kasama ang Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) at ang Philippine Space Agency (PhilSA), gagamitin namin ang space technology upang maprotektahan at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino,” ani Marcos.
“Sa tulong ng mas mahusay na mga satellite, mas mabilis nating matutunton ang mga bagyo at mas epektibong makakasagot sa mga kalamidad, matutulungan ang ating mga magsasaka sa mas maayos na pagpaplano, at mapapanatiling ligtas ang mga komunidad,” dagdag niya.
Nasa Japan si Pangulong Marcos para sa apat na araw na working visit mula Hunyo 19 hanggang 22.
Ayon sa Malacañang, matagal nang katuwang ng Pilipinas ang JAXA sa larangan ng space science, technology, at mga aplikasyon nito sa pamamagitan ng Department of Science and Technology (DOST).
Nakipagtulungan ang DOST sa mga unibersidad sa Japan sa matagumpay na pagbuo at paglulunsad ng unang mga microsatellite ng Pilipinas na DIWATA-1 at DIWATA-2, nanosatellites MAYA-1 at MAYA-2, pati na rin ang mga unang nanosatellite na gawa ng mga unibersidad sa Pilipinas.
Itinatag noong 2003, ang JAXA ay nagsimula mula sa pagsasanib ng tatlong institusyon at ito ang pambansang space agency ng Japan na responsable sa pananaliksik, pag-develop, at paggamit ng teknolohiya sa kalawakan at aeronautics.
Noong Abril 2015, naging isang national research and development (R&D) agency ang JAXA na nakatuon sa pagpapalaganap ng R&D sa aerospace, internasyonal na kooperasyon, pampublikong relasyon, at pakikipagtulungan sa industriya at mga institusyon ng edukasyon.
More Stories
Inflation Maaaring Lumampas sa 5% Dahil sa Mahal na Langis at Mahinang Piso
Cone, Ginebra Handa sa Matinding Laban vs SMB sa Semis
ASG member patay sa shootout sa Zamboanga City