June 22, 2025

PBBM prayoridad ang problema ng ‘Pinas, hindi ang impeachment ni VP Sara

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang kanyang mga prayoridad ay ang mga suliranin sa pampublikong transportasyon, presyo ng bigas, at iba pang pangunahing problema ng bansa, at hindi ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ikalawang episode ng kanyang BBM Podcast na in-upload nitong Sabado, nilinaw ng Pangulo na wala siyang kinalaman sa proseso ng impeachment na kasalukuyang isinasagawa sa pagitan ng Kamara at Senado.

“That’s not my priority – I’m busy with the transport, with the rice, with all of the different things that we are doing na nauubos ang oras ko doon. To put it bluntly, wala naman akong papel doon sa impeachment,” pahayag ni Marcos sa panayam ni Cheryl Cosim ng TV5.

Ipinaliwanag ng Pangulo na Senado ang impeachment court at House of Representatives ang nagsisilbing prosecution panel, kaya’t wala umano siyang papel sa anumang isinasagawang proseso.

Nang tanungin kung maaari pa rin siyang magkaroon ng impluwensiya sa trial, sagot ni Marcos:

“Siguro, if the President chooses to do that – I choose not to.”

Sa parehong linggo, nilinaw rin ni Undersecretary Claire Castro ng Presidential Communications Office na hindi sasangkot ang Pangulo sa impeachment, bagama’t handa umano siyang mamamagitan sa Senado at Kamara para sa ibang isyu, pero hindi sa isyung ito.

Matatandaang ilang personalidad ang nagbato ng espekulasyon na may pulitikang pumapalibot sa impeachment laban kay VP Sara, ngunit nananatiling tahimik at neutral ang Pangulo.

“Ang malinaw dito: ang focus ng Pangulo ay ang ekonomiya, transportasyon, at kapakanan ng mga mamamayan—not political drama,” ani Castro.