
Malabon City — Inaresto ng mga operatiba ng Sub-Station 6 ng Malabon City Police Station (CPS) ang isang 37-anyos na barangay kagawad matapos masangkot sa insidente ng pamamaril na ikinasugat ng isang lalaki sa Brgy. Ibaba nitong madaling araw ng Hunyo 19, 2025.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang suspek ay kinasuhan ng Attempted Homicide at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition matapos ang komprontasyong nauwi sa putukan dakong alas-5:35 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang kagawad ay nagsasagawa ng regular na pagpapatrolya sakay ng kanyang motorsiklo nang makaengkuwentro ang biktima, isang 39-anyos na scavenger mula sa Brgy. Acacia.
Sinita umano ng suspek ang biktima dahil nakaharang ito sa daan, na nauwi sa mainitang sagutan. Umano’y itinulak at sinigawan ng biktima ang kagawad bago maglabas ng patalim.
Bilang tugon at ayon sa kanya’y self-defense, binunot ng kagawad ang kanyang lisensyadong 9mm CZ P10C OR pistol at pinaputukan ang biktima, na tinamaan sa kaliwang hita.
Agad na rumisponde ang mga pulis sa insidente at isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center. Kinasuhan at inilagay sa kustodiya ang kagawad habang inihahanda ang mga kaukulang reklamo.
Nakumpiska sa pinangyarihan ang Caliber 9mm Pistol CZ P10C OR (Serial No. CP20569) na may lamang tatlong bala.
Napatunayang ito ay rehistrado at balido hanggang Marso 1, 2032, habang may hawak din ang suspek ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) na balido hanggang 2027. Gayunman, wala pa siyang Permit to Carry Firearm Outside Residence (PTCFOR) sa oras ng insidente.
Ayon kay Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO, ang insidenteng ito ay nagpapakita ng epektibong pagpapatupad ng AAA Strategy — Able, Active, at Allied — upang paigtingin ang kampanya kontra krimen.
“Mabilis ang tugon ng Malabon CPS. Patunay ito ng ating determinasyon na panatilihing ligtas ang mga komunidad sa Metro Manila,” ani Aberin.
Pinuri rin ng Northern Police District (NPD) ang agarang aksyon ng Malabon CPS at nanawagan sa publiko na makipagtulungan sa kapulisan para sa patuloy na katahimikan at kaayusan sa lungsod.
More Stories
RR Pogoy, susi sa panalo ng TNT
YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility
‘LAGAYAN’ SCHEME SA AIRPORT POLICE DEPARTMENT IIMBESTIGAHAN – GM INES