June 21, 2025

YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility

Ibinalik sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang kontrobersyal na YouTuber na si Vitaly Zdorovetskiy nitong Hunyo 18 matapos siyang makapagpiyansa kaugnay ng kinahaharap niyang kaso sa Taguig.

Matatandaang noong Hunyo 11, inilipat si Zdorovetskiy sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Taguig habang nililitis ang kanyang kasong unjust vexation sa Regional Trial Court Branch 153.

Ngunit ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakapagpiyansa na si Zdorovetskiy, dahilan upang agad siyang ibalik sa BI Warden’s Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa.

“Dahil may inihaing kaso ng deportation laban sa kanya, mananatili pa rin siya sa kustodiya ng BI kahit pa siya ay makapagpiyansa sa mga lokal na kaso,” paliwanag ni Viado.

Nilinaw din ni Viado na hindi pa maidedepora si Zdorovetskiy hangga’t hindi nalulutas ang kanyang mga kaso sa Pilipinas at hindi niya napagsisilbihan ang anumang sentensyang ipapataw ng korte.

“Ang hustisya ay ipatutupad sa buong lakas ng batas,” giit ni Viado. “Ang mga banyagang bumibisita sa bansa ay inaasahang susunod sa ating mga batas. Hindi natin papayagan ang sinuman na abusuhin ang ating pakikipagkapwa-tao at bastusin ang ating bayan.”

Mananatili si Zdorovetskiy sa BI holding facility at hindi papayagang malayang gumalaw habang nakabinbin ang kanyang mga kaso sa bansa.