June 18, 2025

PH umaangat sa global competitiveness ranking, pero kulelat pa rin sa Asia-Pacific

Bahagyang umangat ang Pilipinas sa pinakabagong World Competitiveness Ranking ng Switzerland-based International Institute for Management Development (IMD), ngunit nananatiling kulelat sa rehiyon ng Asia-Pacific at sa ASEAN.

Batay sa 2025 World Competitiveness Yearbook na inilabas ng IMD, pumwesto ang Pilipinas sa ika-51 sa 69 na bansa—isang hakbang na pag-angat mula sa ika-52 noong nakaraang taon. Subalit sa Asia-Pacific, ikalabintatlo pa rin ito sa 14 na bansa, at huling-huli sa limang ASEAN economies na napabilang sa ranking.

Sinusukat ng IMD ang competitiveness ng bawat bansa sa pamamagitan ng 262 indicators sa apat na pangunahing aspeto: economic performance, government efficiency, business efficiency, at infrastructure.

Umangat ang Pilipinas sa 33rd place sa aspeto ng economic performance mula 40th noong nakaraang taon. Ayon sa IMD, ito ay bunsod ng positibong paggalaw sa domestic economy, employment, prices, at international trade. Tanging ang international investment ang bumaba ng isa sa 45th place ngayong taon.

Bagama’t nagtala ang mga investment promotion agencies ng record-high ₱1.9 trilyong investments noong 2024, bumaba ito sa ₱181.93 bilyon sa unang quarter ng 2025—malayo sa ₱323.27 bilyon sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.

Sa business efficiency, bumaba ang Pilipinas mula 43rd patungong 46th ngayong taon. Bumaba ang marka ng bansa sa labor market at attitudes and values, habang bahagyang bumuti naman sa management practices at productivity.

Samantala, sa government efficiency, bahagyang umangat ang Pilipinas mula 51st patungong 49th. May kaunting pag-angat sa business legislation, pero bumagsak ang bansa sa tax policy, institutional framework, at societal framework.

Bagama’t matagal nang isyu, umangat ng isang puwesto ang Pilipinas sa infrastructure, mula 61st patungong 60th. Nakatulong dito ang ilang pagpapaunlad sa basic at technological infrastructure, ayon sa IMD. Subalit bumaba naman ang puntos ng bansa sa health and environment at scientific infrastructure.

Nanguna sa 2025 competitiveness ranking ang Switzerland, sinundan ng Singapore at Hong Kong. Sa kabila ng global challenges, sinabi ng local partner ng IMD—Asian Institute of Management Rizalino S. Navarro Policy Center for Competitiveness—na positibo pa rin ang direksyon ng Pilipinas, lalo na sa kabila ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.

Sa pangkalahatan, bagama’t may bahagyang pag-angat, malinaw na kailangang mas paigtingin pa ng gobyerno ang mga reporma sa imprastruktura, edukasyon, batas, at pamamahala upang makahabol sa ibang karatig-bansa at tunay na mapaangat ang kompetitibidad ng Pilipinas sa pandaigdigang arena.