
Sa kabila ng malawakang suporta mula sa mga manggagawa at ilang mambabatas, bigong maisabatas ang panukalang P100-P200 legislated wage hike, dahilan para umani ng batikos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil umano sa kawalan ng aksyon at political will.
Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, malinaw ang kakulangan ng suporta mula sa Pangulo para maisulong ang dagdag sahod, sa kabila ng kanyang malawak na impluwensiya sa Kongreso — isang kapangyarihang lalong pinatibay mula pa noong administrasyong Duterte, kung kailan naging normal na ang mga supermajority.
Hindi rin isinama ang wage hike sa priority bills ng administrasyon sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Kung gusto talaga ng Pangulo ang dagdag-sahod, puwede naman niyang i-certify as urgent o magpatawag ng special session. Pero hindi niya ginawa,” ayon kay Kabataan party-list Rep.-elect Atty. Renee Co.
Sa halip, sinabi ng Malacañang na kailangan munang suriin ang epekto sa ekonomiya, alinsunod sa opinyon ng wage boards sa mga rehiyon. Ngunit giit ng mga manggagawa, hindi na makatwiran ang “mas mababang cost of living” sa mga probinsya dahil pare-pareho nang mataas ang presyo ng bilihin sa buong bansa.
Tumutol din ang economic managers ng Pangulo, kasabay ng ilang business groups, na nagsabing ang dagdag-sahod ay maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo at pagkawala ng trabaho.
Ngunit buweltang tanong ng ekonomistang si Sonny Africa ng IBON Foundation:
“Kailan ba nangamba ang economic managers para sa manggagawang nabubuhay sa poverty wages?”
Sa ngayon, ang minimum wage ay nasa P336 hanggang P645 kada araw — malayo sa living wage na P1,200, na maaaring magbigay ng sapat na pagkain, pahinga, at kaunting ipon sa bawat pamilya.
Ayon kay NAGKAISA labor coalition, kahit ang panukalang dagdag ay hindi pa sapat, ito sana’y nakatulong para maiahon ang milyon-milyong manggagawa mula sa kahirapan.
Ipinahayag ng Gabriela party-list na malinaw ang mensahe:
“Ayaw talaga ni Marcos Jr. sa legislated wage hike. Kung gusto niya, matagal na sana itong naipasa.”
Ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), na dati’y sumuporta sa kandidatura ni Marcos Jr., ay nagpapaalala ngayon sa kanyang pangakong “walang maiiwan.”
“Tatlong taon na ang lumipas. Mr. President, sasama pa ba kayo sa amin?” tanong ng TUCP.
Samantala, nanawagan ang Kilusang Mayo Uno sa mga manggagawa na ipagpatuloy ang laban sa lansangan.
“Hindi dito nagtatapos ang laban. Sama-sama tayong lumaban para sa sahod, trabaho, at karapatan!”
More Stories
EJ Obiena muling nabigo sa podium matapos ang ika-7 pwesto sa Diamond League sa Sweden
Konektadong Pinoy Act, magpapabilis at magpapamura sa bayad sa internet sa bansa
E-Gov. Act, magpapabilis sa proseso sa pamahalaan