
MANILA — Inanunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng isuspinde ang voter registration sa Hulyo para sa 2025 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bunsod ng mga panukalang palawigin ang termino ng kasalukuyang barangay at SK officials at ilipat ang halalan sa Nobyembre 2026.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang usapin ng pagpapaliban ng halalan ay isang political decision na hindi sakop ng hurisdiksyon ng Comelec, lalo na’t kailangan ito ng legislative action.
“Ginagalang natin ‘yan at kung ano ang mapagkasunduan nila, susunod ang Comelec, lalo na kung ito ay pagpapaliban ng halalan,” ani Garcia.
Sinabi rin ni Garcia na maghihintay ang Comelec sa magiging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung pipirmahan o iveto nito ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang halalan.
Inihayag din ng poll body na magsasagawa sila ng emergency meeting sa susunod na linggo upang pag-usapan ang paghahanda para sa BSKE, kabilang na ang pagbili ng kagamitan at ang posibleng suspensyon ng registration.
“Kung sakaling matuloy ang pagpapaliban, mas makabubuti na gawin na lang namin ang voter registration matapos ang Bangsamoro elections at pahabain ito, halimbawa mula October hanggang August ng susunod na taon,” paliwanag pa ni Garcia.
Ang BSKE ay nakatakda sanang ganapin sa Disyembre 1, 2025, ngunit maaaring ilipat sa unang Lunes ng Nobyembre 2026 kung maipapasa at mapipirmahan ang panukala. (ARSENIO TAN)
More Stories
43rd PAL Manila Marathon, Babalik Na sa Hunyo 22
BARIL NG PULIS, PALITAN NG BOLO – PNP CHIEF TORRE (‘Pag di pumasa sa marksmanship)
Suspek Patay sa Buy-Bust sa Pasig; Dawit sa Ilegal na Bentahan ng Baril at Iba Pang Krimen