
QUEZON CITY — Lumalakas ang banta ng HIV sa lungsod, at higit sa lahat, mga kabataan ang pinaka-tinatamaan! Umabot sa 421 ang naitalang bagong kaso ng HIV mula Enero hanggang Mayo ngayong taon — mas mataas ng 2.4% kumpara noong 2023. Mas nakakabahala: 149 sa mga kaso ay mula sa edad 15 hanggang 24.
Dahil dito, todo-puwersa na ang Quezon City sa pagpapalawak ng kanilang HIV testing at treatment services, ayon sa pamahalaang lokal.
“Dahil sa malaking pagtaas ng mga kaso ng HIV sa edad 15 hanggang 24, sinisiguro naming lahat sila ay nakakatanggap ng treatment sa aming mga social hygiene clinic,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte, na nangunguna sa kampanya kontra HIV.
Pinalalakas na ng lungsod ang testing at treatment services bilang tugon sa pagtaas ng kaso. Ayon kay Dr. Rolando Cruz, hepe ng epidemiology unit ng QC:
“Pinapalakas namin ang aming testing capacities para mahanap agad ang mga may HIV at agad silang maikonekta sa gamutan.”
Sa unang limang buwan ng 2024, higit 21,000 katao na ang na-test — tumaas ng 16.7% mula noong nakaraang taon.
Magbubukas ang bagong social hygiene clinic sa District 6, na bahagi ng citywide network na nag-aalok ng LIBRE, KOMPIDENSIYAL, AT EXTENDED HOURS na serbisyo. Kasama sa serbisyong ito ang:
- HIV testing
- Antiretroviral therapy (ART)
- Prevention options tulad ng PrEP at PEP
- Counseling at outreach programs para sa high-risk groups
Layon ng kampanyang Zero@2030 na tuluyang wakasan ang HIV sa lungsod — walang bagong infection, walang AIDS-related deaths, at walang diskriminasyon pagsapit ng taong 2030.
Sa panawagan ni Belmonte sa kabataan:
“Hindi lang kayo ang pinakaapektado — kayo rin ang pinakamalakas naming sandata. Sa pagtindig, pagsasalita, at pagpapa-test, kayo ang bumubuo ng mas malusog at walang stigma na Quezon City.”
More Stories
ALAS PILIPINAS PINADAPA NG IRAN SA 5-SET THRILLER
AYALA LAND, TUMINDIG SA ITAAS! Tanging Real Estate Brand sa Top 25 ng Most Valuable Filipino Brands
SARA, ILITIS SA IMPEACHMENT! 8 SA 10 PINOY GUSTONG HARAPIN NI VP ANG MGA PARATANG