June 8, 2025

4 TIMBOG SA ₱3.4M DROGA SA RODRIGUEZ, RIZAL

RODRIGUEZ, RIZAL — Bagsak sa kulungan ang apat na indibidwal, kabilang ang dalawang High Value Individual (HVI), matapos silang makorner sa isang matagumpay na buy-bust operation ng Rodriguez Municipal Police noong gabi ng Huwebes, Hunyo 6, sa Brgy. Geronimo.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas Jojie, 30, at Chacha, 29 — kapwa itinuturong malalaking tulak ng shabu sa lugar. Kasama rin sa naaresto sina JP, 39, at Dondon, 36, na parehong nahuling bumibili ng droga mula sa dalawa.

Dakong alas-7 ng gabi nang ikasa ang operasyon. Nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis, na agad na binentahan ng droga ng mga suspek. Aktong bumibili rin sina JP at Dondon nang mahuli sa akto.

Halos kalahating kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa mga suspek, tinatayang tumitimbang ng 500 gramo at nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon sa merkado. Bukod pa rito, narekober din ang ₱3,000 cash, isang sling bag, at isang digital weighing scale.

Kasalukuyang nakakulong ang apat sa Rodriguez Custodial Facility at isinasailalim sa drug test at forensic examination. Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy naman ang paalala ng pulisya sa publiko: “Makipagtulungan sa kampanya kontra droga. Isumbong ang mga kahina-hinalang aktibidad sa inyong lugar!”