June 8, 2025

‘WALANG ATRASAN!’ — KAMARA DI BIBITAW SA IMPEACHMENT KAY VP SARA!

Walang planong umatras ang Kamara sa isinampang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon mismo sa isa sa mga matitinik na miyembro ng House Prosecution Panel!

Sa panayam, sinabi ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na hindi nila basta-bastang tatanggapin kung ibabalik ng Senado ang kaso, at lalong hindi sila papayag na basta na lang ibasura ito nang walang due process.

“Unconstitutional ‘yan! Hindi puwedeng i-dismiss agad o isauli lang na parang sulat!” matapang na pahayag ni Zamora.

Dagdag pa ng kongresista, walang kapangyarihan ang Senado para burahin ang reklamo dahil nakasaad sa Konstitusyon na dapat itong dumaan sa maayos na paglilitis.

“Wala silang opsyon para basta na lang ibasura. Wala ring opsyon ang House na bawiin ito. Trabaho naming iharap ang ebidensya, at ‘yun ang ginagawa namin ngayon,” diin pa niya.

Inamin ni Zamora na nabigla ang buong panel nang malaman ang tungkol sa draft resolution ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na layong ibasura ang impeachment case.

“Shocking! Pero hindi na rin nakagugulat kasi alam naman natin kung gaano kalapit si Bato sa pamilya Duterte,” banat ni Zamora.

Giit ng lady solon, malinaw na sinasadya ang pagpapaliban o tuluyang pagbasura sa kaso — isang paglapastangan umano sa Saligang Batas!

“Walang VIP sa hustisya. Kung may reklamo, may paglilitis!” buwelta pa ni Zamora.

Sa darating na Hunyo 11, nakatakdang basahin ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang impeachment articles sa Senado. Kumpleto rin ang 11 miyembro ng prosecution team na haharap sa Senado para isulong ang laban.